2,532 total reads
Inaanyayahan ng Aid to the Church in Need o ACN ang publiko na makiisa sa pagdiriwang ng Red Wednesday 2026 sa darating na Nobyembre 25, 2026 bilang panalangin at pagpapahayag ng pakikiisa sa mga Kristiyanong nakararanas ng diskriminasyon at pag-uusig sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon sa ACN, mahigit 413-milyong Kristiyano ang naninirahan sa mga lugar na lubhang limitado ang kalayaan sa relihiyon, habang nasa 220-milyon naman ang direktang nakararanas ng pag-uusig.
Kaugnay nito, ginagamit ang kulay pula bilang pag-alala sa dugong dumanak ng mga martir at sa lahat ng nagdurusa dahil sa kanilang pananampalataya.
Ang mga simbahang nagliliwanag sa kulay pula ay nagsisilbi ring paalala na ang kalayaan sa relihiyon ay isang pangunahing karapatang pantao.
Hinihikayat din ng ACN-Philippines ang publiko na magparehistro at kumuha ng mga materyales para sa Red Wednesday 2026 sa pamamagitan ng pagbisita sa official Facebook page ng ACN- Aid to the Church in Need.
Sa pamamagitan ng panalangin at sama-samang pagkilos, hinihikayat ng Simbahan ang bawat isa na ipagtanggol ang kalayaan sa pananampalataya at makiisa sa mga kapatid na Kristiyanong inuusig dahil sa kanilang paniniwala.




