8,919 total views
Inaanyayahan ng Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral ang mamamayan sa isasagawang Open House 2025 sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa June 12.
Ayon sa pamunuan ng katedral bukas ang dambana sa publiko mula alas siyete ng umaga hanggang alas siyete ng gabi upang bigyang daan ang mga perigrino at turistang nais masilayan ang mga mahahalagang lugar ng basilica.
Ito po ay libre para sa lahat ng mga makiisa sa taunang Open House kung saan tampok din dito ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa alas 7:30 ng umaga at alas 12:10 ng tanghali.
Magkakaroon din ng Reco-Tours o Tuklas ng Pag-asa na hango rin sa tema ng Jubilee Year na Pilgrims of Hope sa loob ng cathedral mula alas 10 ng umaga hanggang alas tres ng hapon kung saan ang mga perigrino at turista ay maaring bumisita sa crypt o libingan ng mga namayapang arsobispo ng Maynila sa ilalim ng dambana gayundin sa roof deck ng simbahan.
Kabilang din sa tampok na gawain ng Open House ang Hiraya Concert na itatanghal ng Philippine Suzuki Youth Orchestra sa alas singko ng hapon.
Ang Araw ng Kalayaan ay taunang ginugunita sa Pilipinas tuwing June 12 alinsunod na sa Republic Act No. 4166 na nilagdaan ni dating Pangulong Diosdado Macapagal noong August 4, 1964 upang alalahanin ang Pagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya noong June 12, 1898.