8,847 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Office on Stewardship ang mananampalataya na gamitin ang ipinagkaloob na Espiritu Santo bilang bahagi ng katawan ni Kristo.
Ito ang mensahe ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon sa pagdiriwang ng Linggo ng Pentekostes sa June 8 kung saan ito rin ay itinuring na kapanganakan ng simbahang katolika.
Ipinaliwanag ng obispo na bilang kabahagi ng katawan ni Kristo ay marapat na makiisa sa misyon ng pagdadala ng kaligtasan ng bawat isa sa pamamagitan ng paninindigan para sa kapakanan ng kapwa.
“Nasa atin ang kanyang Banal na Espiritu. Huwag na tayong maduwag na manindigan para sa buhay at karapatang pantao. Huwag na tayong mapipi na magsalita ng katotohanan. Huwag na tayo manghina na tumahak sa katarungan. Pakilusin natin ang kapangyarihan ng Espiritu Santo na nasa atin,” ayon sa pahayag ni Bishop Pabillo.
Iginiit ng opisyal ang kahalagahan ng pagkilos ayon sa kaloob na Espiritu Santo para tutula ang anumang karahasan at mga pang-aabuso sa karapatan at dignidad ng mamamayan.
Gayundin ang mariing paglaban sa lumalaganap na misinformation, disinformation at fake news na sumisira sa dangal ng tao, institusyon at ginagamit na paraan para baluktutin ang katotohanan at kasaysayan.
Binigyang diin ni Bishop Pabillo na mula sa unang Pentekostes hanggang sa kasalukuyang panahon ay patuloy na ipinahahayag ng simbahan ang kadakilaan ng Diyos at ang pagliligtas ni Hesus.
Paalala ng obispo na sa pamamagitan ng sakramento ng binyag at kumpil ay tinanggap ng mga kristiyano ang Banal na Espiritu na nagpapalakas sa espiritwalidad ng bawat isa upang humayo at magmisyon sa pamayanang kinabibilangan.
Ang Linggo ng Pentekostes ay ang pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostoles na ginugunita ng simbahan sa ika – 50 araw mula sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus at hudyat ng pagtatapos sa Easter Season ng liturgical calendar ng simbahan at pagsisimula ng karaniwang panahon