244 total views
Binigyang-diin ni Puerto Princesa, Palawan Bishop Socrates Mesiona ang pagtitiwala ng Diyos sa kakayahan ng agham upang matugunan ang umiiral na coronavirus pandemic sa lipunan.
Ayon kay Bishop Mesiona, ang pagpapabakuna ang kasalukuyang isa sa maganda at epektibong paraan laban sa matinding epekto ng COVID-19.
Miling hinihikayat ng Obispo ang publiko na magpabakuna upang tuluyang maabot ng bansa ang inaasam na herd immunity laban sa virus.
“Kaya ako po si Bishop Soc…ay nanghihikayat sa mga hindi pa nakapagpapabakuna na magpabakuna na, para mapadali ang pagbalik natin sa dating normal na buhay. Magtiwala po tayo sa Diyos at magtiwala din po tayo sa agham at sa mga taong nasa ilalim nito, dahil sila po ang ginagamit ng Diyos para Siya ay makatugon sa ating mga kahilingan,” pahayag ni Bishop Mesiona.
Samantala, ibinahagi rin ng Obispo na noong hindi pa lumalabas ang bakuna laban sa virus ay sinimulan din sa Vicario Apostoliko ang pananalangin ng Oratio Imperata nang sa gayon ay makatulong sa paglikha ng mga gamot na maaaring maging lunas sa umiiral na pandemya.
“Sa kasagsagan ng pandemya, tayo po’y nagdasal ng Oratio Imperata na sana may gamot, may bakuna na matutuklasan upang matigil na ang pagkalat ng COVID-19, matigil na ang pandemya at makabalik na tayo sa normal nating buhay,” saad ng Obispo.
Batay sa tala, magmula pa nitong Hulyo nang kasalukuyang taon, ang lungsod ng Puerto Princesa ang nangunguna sa COVID-19 vaccination campaign sa MIMAROPA Region na mayroong vaccination rate na 9.47 percent, mas mataas ng tatlong beses kaysa sa national average na 3.3 percent.
Naitala naman ng Puerto Princesa City COVID-19 Daily Case Bulletin ang 455 aktibong kaso habang umabot na sa 5,517 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong lungsod.