223 total views
Hinimok ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos ang bawat mamamayan na agad nang magpabakuna laban sa COVID-19 lalo na’t umiiral ngayon ang mas mapanganib at nakakahawang Delta variant.
Pagbabahagi ni Bishop Santos na ang lahat ng mga pari at relihiyoso ng Diyosesis, maging ang mga tauhan nito ay kumpleto na sa bakuna at mayroon nang karagdagang proteksyon bilang pag-iingat laban sa virus.
“All my clergy (64) in the Diocese, religious and diocesan are all vaccinated in two doses with Sinovac, AstraZeneca and Pfizer. All our Diocesan personnel are also vaccinated in two doses,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Maging ang lahat ng mga empleyado ng siyam na paaralan sa ilalim ng Diyosesis ng Balanga ay nakatanggap na rin ng unang dose ng COVID-19 vaccine, at inaasahang matatanggap ang ikalawang dose sa ikatlong linggo ng kasalukuyang buwan.
“Now our 332 teaching and non teaching personnel of all nine (9) diocesan schools are being vaccinated. Hopefully by the third week of August, all of them will be done,” ayon kay Bishop Santos.
Tiniyak rin ni Bishop Santos ang pakikipagtulungan ng Diyosesis sa vaccination program ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapagamit sa mga Catholic schools bilang vaccination facilities.
Samantala, sa kabutihang palad ay wala pa namang naitatalang nagpositibo sa COVID-19 sa mga pari ng Diyosesis ng Balanga, ngunit nito lamang nakaraang linggo ay isa sa mga pari ang nasawi dahil sa atake sa puso.
Batay sa tala ng Department of Health, nasa mahigit 20-milyon na ang naipamahaging COVID-19 vaccine sa bansa, kung saan 11-milyon dito ang natanggap na ang unang dose, habang nasa higit 9-milyon naman ang natanggap na ang ikalawang dose at kumpleto na sa bakuna.