172 total views
Nagkaroon ng pag-asa ang mga residente mula sa Manicani Island na nagkakampo sa harap ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources matapos silang harapin at ni Environment Secretary Roy Cimatu.
Pagbabahagi ni Jaybee Garganera National Coordinator ng Alyansa Tigil Mina, isa sa mga sumusuporta sa grupo ng Save Manicani Island, isa itong positibong pag-usad para sa petisyon na inihain ng grupong mula sa Manicani upang matigil na ang pagmimina sa kanilang lalawigan.
“Tumaas yung spirit at magaan na yung pakiramdam nung mga tao dahil, una may diyalogong nangyari hinarap sila ni Secretary Cimatu, pangalawa may kasulatan ng minutes [of the meeting], pero titimbangin nila kung sapat na ba ito para sabihin na nakamit na natin yung ating layunin.” Pahayag ni Garganera sa Radyo Veritas.
Sinabi ni Garganera na kinilala ni Cimatu ang pagiging isang protected Area ng isla ng Guian at nangako ito sa mamamamayan na hindi na muling magkakaroon ng operasyon ng pagmimina sa isla, kabilang na ang isla ng Manicani at Homonhon.
“At least ang sabi ni Cimatu ay alam nilang protected area yun at i-consider nila sa mga bagong mining applications sa area, so maganda yung pagtingin ng mga nagkakampo sa sagot na yon ni Cimatu.” Dagdag pa ni Garganera.
Nobyembre pa nang magkampo ang mga residente ng Manicani Island sa harapan ng DENR upang hilingin na huwag nang muling bigyan ng Mineral Production Sharing Agreement ang Hinatuan Mining Corporation.
Sa kabuuan ang Manicani Island ay may lawak na 1,165 hektarya, at binubuo ito ng apat na mga barangay.
Ang HMC na nagmimina sa isla ay natukoy na subsidiary ng Nickel Asia Corporation, ang pinakamalaking kumpanya ng minahan sa Pilipinas.
Naninindigan naman ang mamamayan kaisa ang Diocese of Borongan na hindi na dapat maulit pa ang 25 taong pagdurusa ng mamamayan sa Manicani.