33,071 total views
Nakarating na din maging sa Bicol region ang signature campaign na nangangalap ng lagda ng mga mamamayan para sa People’s Initiative na layuning isulong ang pag-amyenda sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Bilang pag-iingat nanawagan ang Diyosesis ng Legazpi sa bawat mamamayan na maging maingat at mapanuri sa mga impormasyong kumakalat partikular na sa paglagda sa anumang petisyon lalo’t higit nakasalalay dito ang kinabukasan ng bayan.
Sa pahayag ni Legazpi Bishop Joel Baylon ay pinalalahanan nito ang lahat na pag-aralan ang usapin ng isinusulong na Charter Change at iwasan magpadala sa tukso ng anumang pinansyal o materyal na kapalit ng kanilang lagda.
Paliwanag ni Bishop Baylon, kinakailangang nakabatay at para sa kabutihan ng sambayanan o ng common good ang layunin ng pag-amyenda ng Konstitusyon kung saan hindi dapat na maisantabi ang anumang kalayaan at karapatang pantao ng bawat mamamayang Pilipino.
Samantala una na ring pinaalalahanan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang bawat isa na ituring na sagrado at mahalaga ang kanilang boto at lagda.
Bukod kay Bishop Baylon una na ding nanawagan sa mga mamamayan sina Dipolog Bishop Severo Caermare, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo at Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo upang maging mapanuri at huwag basta lumagda sa People’s Initiative.