10,404 total views
Hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mananampalataya na pagnilayan ang bagong taong 2025 lalo’t ipinagdiriwang ng simbahan ang Jubilee Year na nakatuon sa temang ‘Pilgrims of Hope.’
Ayon sa obispo nawa’y gamiting pagkakataon ng mamamayan ang pagdiriwang upang pagnilayan at pagningasin ang pag-asang tangan ng bawat isa upang maibahagi sa kapwa.
“In a world that often feels burdened by uncertainty, we are called to share our faith in Christ, encouraging those around us,” ayon kay Bishop Uy.
Sinabi ng obispo na sa diwa ng pagiging simbahang sinodal ay maipamalas sa komunidad ang diwa ng pagbubuklod, pagkahabag at pagiging katuwang ng kapwa lalo na sa mga may pinagdadaanan habang naglalakbay sa mundo.
Umaasa si Bishop Uy na bilang mga kristiyano ay mabanaagan ang pag-asang hatid ni Hesus sa sanlibutan at buong kababaang loob na ipagkatiwala ang buong taong 2025.
“May our profound faith guide us as we navigate the challenges that lie ahead, reminding us that in Christ, we find strength and hope,” ani Bishop Uy.
Samantala hinikayat naman ni Cebu Archbishop Jose Palma ang mananampalataya na tularan ang halimbawa ng Matatalinong Lalaki mula sa Silangan na binanggit sa ebanghelyo ni San Mateo kung saan sinundan ang liwanag ng bituin hanggang matagpuan si Hesus.
Paliwanag ng arsobispo na ang pagsunod nito sa tala ay tanda ng buong pusong pagtitiwala sa Diyos sa tatahaking landas.
“May we trust in God’s signs, discern His guidance, and persevere through trials as we pursue the deepest desires of our hearts,” ani Archbishop Palma.
Patuloy ang paanyaya ng simbahan sa mananampalataya na samantalahin ang pagkakataong ipinagdiwang ang Taon ng Hubileyo upang magningas ang pag-asa sa puso at mapalalim ang ugnayan ng tao sa Diyos.