10,672 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na manatiling kumapit sa pag-asang hatid ni Hesus sa sangkatauhan.
Sa ginanap na New Years Eve Mass at pagdiriwang sa Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos sa Manila Cathedral binigyang diin ng arsobispo na si Hesus ang pag-asa at kailanman sa kanyang dakilang habag at pag-ibig ay hindi bibiguin ang tao kaya’t mahalagang paigtingin ang pagbibigay pag-asa sa kapwa. “Hinihikayat ko kayong lahat na paigtingin natin ang pagdiriwang ng “Jubilee Year of Hope”…Gawin nating totoo ito sa ating mga pamilya at pamayanan. Mamuhay tayo sa pag-asa,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Sinabi ng Cardinal na mahalagang isabuhay ang diwa ng pag-asa sa halip na bigyang tuon ang pagiging paasa at palaasa sa lipunan.
Ipinaliwanag ni Cardinal Advincula na ang mga paasa ay mga taong hindi marunong tumupad sa mga pangako at madaling makalimot sa mga sinumpaan at mga usapan habang ang palaasa naman ay hindi nakatatayo sa sariling mga paa at mabilis sumuko sa mga hamon ng buhay.
“Ang kristiyano ay namumuhay sa pag-asa hindi sa paasa o palaasa. Hindi dahil sa kaya niya ang lahat o alam niya ang lahat. Ang kristiyanong namumuhay sa pag-asa ay naniniwala na sa gitna ng mga pasakit, kasama niya ang Diyos. Sa mga panahong marami siyang pasanin, naniniwala siyang pasan siya ni Hesus Nazareno sa Kaniyang krus,” ani Cardinal Advincula.
Ito rin ang hamon ng arsobispo sa pagbukas ng Jubilee Year celebrations ng arkidiyosesis na bilang mga kristiyano ay hindi dapat nawawalan ng pag-asa sa halip ay matutong ipagkatiwala sa Diyos ang mga alalahanin sa buhay. Kamakailan lang sa isinagawang pag-aaral ng Social Weather Stations 90 porsyento sa mga Pilipino ang positibo ang pananaw sa taong 2025 mas mababa kumpara sa 96 percent noong 2023 kaya’t paalala ni Cardinal Advincula na si Hesus na nakabayubay sa krus ang tunay na mukha ng pag-asa sapagkat sa kabila ng mga pagpapakasakit at pagkamatay ay muli itong nabuhay para sa sangkatauhan.
Apela ng arsobispo sa mamamayan na maging instrumento ng pag-asa sa kapwa lalo na sa mga dukha, mahihinang sektor ng lipunan kabilang na ang mga may karamdaman at mga bilanggo.
Kasabay nito ang paanyaya sa mamamayan na bisitahin ang 24 na jubilee churches ng arkidiyosesis gayundin sa iba pang mga diyosesis sa bansa upang matamo ang pribilehiyong plenary indulgence na ipinagkaloob ng simbahan sa buong pagdiriwang ng taon ng hubileyo.