1,912 total views
Inaanyayahan ni Antipolo Bishop Francisco De Leon ang mananampalataya na makiisa sa Red Wednesday campaign sa ika-23 ng Nobyembre, 2022.
Pangungunahan ng Obispo ang banal na Eukaristiya sa paggunita ng Red Wednesday campaign ganap na alas-sais ng gabi sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral na susundan ng pagpapailaw ng kulay pula sa simbahan.
Ayon kay Bishop De Leon, bukod sa katedral ng Antipolo ay maari ding makibahagi sa kampanya ang mamamayan sa pamamagitan ng pananalangin at pagdalo sa banal na eukaristiya sa kani-kanilang mga parokya na makikiisa sa gawain.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang pagpapailaw ng kulay pula sa mga gusali at Simbahan tuwing Red Wednesday ay simbolo ng sama-samang pananalangin, pagbibigay pugay at pag-alala sa lahat ng mga Kristiyanong inuusig sa buong daigdig.
“Iniimbitahan ko kayo na makipagdasal, makipagmisa sa amin kung hindi man sa katedral ng Antipolo ay sa iba’t ibang Simbahan katulad sa mga parokya ninyo na ginugunita ang araw na yun. Kaya sa maraming Simbahan mapupuna ninyo may mga pulang ilaw doon sa harapan ng Simbahan upang ipahayag sa atin na yun ang araw sa paggunita at pagdarasal sa mga inuusig nating kapatid na Kristiyano.” paanyaya ni Bishop de Leon.
Iginiit ng Obispo na mahalaga ang pag-alala at pananalangin sa mga Kristiyano lalu sa bansang patuloy ang karahasan at pag-uusig dahil sa paniniwala at pananampalataya.
Tinukoy din ni Bishop de Leon ay laganap din ang pagsira, paglapastangan at pagwasak hindi lamang sa imahen ng mga santo kundi sa mismong mga simbahan na bahay dalanginan.
“Bilang pagtulong sa ating mga kapatid na Kristiyano ay sama-sama natin silang ipagdarasal sa November 23 – ang Red Wednesday.”panawagan ng obispo
Tema ng Red Wednesday campaign ngayong taon ang “Blessed are the Persecuted” upang palakasin ang kampanya sa pananalangin at pagbibigay pugay sa mga Kristiyanong inuusig sa iba’t-ibang panig ng mundo.