1,519 total views
Hinimok ng Archdiocese of San Fernando, Pampanga ang mananampalataya na makilahok sa Banal na Misa sa mga parokya ngayong simbang gabi.
Sa liham sirkular ni Archbishop Florentino Lavarias binigang diin nito ang kahalagahan ng personal na pagdalo sa banal na pagdiriwang sa halip na makiisa lamang online.
“Let us strongly encourage our parishioners to a real and actual celebration of the Simbang Bengi Masses and all other Masses subsequently n our Chapels and Churches, and no longer through virtual and on-line watching,” bahagi ng liham sirkular.
Bahagi ng alintuntuning inilabas para sa simbang gabi ng arkidiyosesis ang itinakdang oras mula alas sais ng gabi para sa simbahang gabi habang pinakahuling oras sa Misa De Gallo naman sa alas sais ng umaga.
Hindi rin pahihintulutan ang pagdaraos ng misa sa labas ng mga simbahan at kapilya tulad ng mga tanggapan, pribadong tahanan, establisimiyento kabilang na ang radio at TV stations.
Pinahintulutan ng arsobispo ang anticipated masses mula December 15 hanngang 23 ng gabi.
Gayundin ang paalala sa mga pari hinggil sa wastong liturhiya na susundin sa Simbang Gabi at Misa de Gallo.
Dalangin ni Archbishop Lavarias ang kaligtasan lalo na sa kalusugan ng bawat makikiisa sa siyam na araw ng nobenaryo sa karangalan ng Mahal na Birheng Maria bilang paghahanda sa Pasko ng Pagsilang.
“Let us continuously pray the Oratio Imperata to our Santo Cristo del Perdon y Caridad through the intercession of our Virgen de los Remedios, ing Indu ning Kapaldanan,” ani ng arsobispo.