Isasagawa ng Archdiocese of Manila Commission on Youth (ACY) ang lokal na pagdiriwang ng World Youth Day sa December 13, 2025, na inaasahang dadaluhan ng mga kabataang delegado mula sa iba’t ibang parokya at organisasyon sa loob ng arkidiyosesis.
Ayon kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, ang pagtitipon ay tugon sa panawagan ni Pope Leo XIV na hikayatin ang mga kabataan na maging mas aktibo sa Simbahan sa pamamagitan ng paglabas sa kanilang comfort zone, pagtataguyod ng kapayapaan, at pagiging tapat na saksi ni Kristo sa pamamagitan ng makabuluhang karanasan at ugnayan.
Binigyang-diin ng Kardinal na ang pagdiriwang ay bahagi ng pagtatapos ng Jubilee Year 2025, isang taon na inilaan sa pagbabalik-pananampalataya at pag-asa para sa kabataang Katoliko sa Maynila.
Katuwang ng ACY sa organisasyon ng aktibidad ang Manila Archdiocese Vocations Office at San Carlos Seminary. Idaraos ang buong programa sa San Carlos Seminary Complex sa Guadalupe Viejo, Makati City, mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-otso ng gabi.
Tema ng selebrasyon ang “You also are my witnesses, because you have been with me,” na hango sa Ebanghelyo ni San Juan 15:27.
Hinimok ni Cardinal Advincula ang bawat parokya, paaralan, at youth-serving organizations na magpadala ng hindi bababa sa sampung kinatawang kabataan.
Itinakda ang solidarity fee sa P100 kada kalahok, na sasaklaw sa event kits.
Magbubukas ang online registration sa official social media platforms ng ACY-Manila.
Para sa karagdagang detalye, maaaring makipag-ugnayan sa ACY Secretariat sa [email protected] o sa (02) 8523-2814 at (02) 8404-3673 mula Lunes hanggang Biyernes, alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.






