6,344 total views
Isinulong ni Caritas Philippines Executive Director Father Carmelo “Tito” Caluag ang mahalagang papel ng pagmamahalan upang maitaguyod ang angking kagalingan ng mga tao sa lipunan.
Ayon sa Pari, sa pamamagitan ng pagmamahal, pagkalinga at pakikipagkapwa ay nagkakaroon ang mga komunidad ng pagkakataon na mahubog ang mga kabataan tungo sa maayos na landas.
Dahil dito, inihayag ni Father Caluag na naipapasa sa kapwa at sa susunod na henerasyon ang mga katangian na maghuhubog sa bayan tungo sa sama-samang pagtatagumpay sa ibat-ibang larangan.
“Mayroon isang bagay na pare-pareho dito sa mga taong nakagawa ng napakamangha-manghang achievement, lahat sa kanila ay kinalinga sa isang mapagkalingang komunidad na binigyan sila ng pagkakataon na pinalabas ang kanilang galing,” ayon sa mensahe ni Fr.Caluag.
Sa pamamagitan din ng pagmamahal sa kapwa ay higit na naipapakita sa buong mundo ang pagiging kristiyano ng mga mananampalataya sa kung saan naipapalaganap sa mundo ang mundo ang ebanghelyo at mabuting balita ng Panginoon.
“Bahagi ng pagkalinga namin sa inyo ay yung pagtuturo ng disiplina, pagtuturo ng kabutihang asal bukod sa mga kagalingan, kaalaman ay mahalaga din ito, pero higit sa lahat ay sana naturuan namin kayong magmahal sa kapwa, sa isat-isa bilang magkakasama sa paglalakabay, pagmamahal sa pamilya, kung para kanino niyo ginagawa lahat ng ito, kung papaano kayo nagtiyaga upang magkaroon kayo ng pagkakataon na mapabuti ang inyong pamilya, ang inyong mga buhay,” ayon pa sa mensahe ni Fr.Caluag.
Pangunahing ipinarating ni Fr. Caluag ang mensahe sa mga nagsipagtapos ngayong taon sa Magna Anima Teachers College at Alay Kapwa Community Schooling.