1,894 total views
Inihayag ng Alyansa Tigil Mina na malaking salik ang exploration, illegal activities at paglabag sa batas ng kalikasan ng mga kumpanya ng minahan sa pagtindi ng nararanasang epekto ng climate change.
Ayon kay Jaybee Garganera national Coordinator ng Alyansa Tigil Aniya, ang labis na environmental degradation ay nagdudulot ng pabago-bagong klima dahil ang duming nagmumula sa mga planta ay basta na lamang itinatapon sa hangin at tubig.
“Pag-nag operate sila ng kanilang mga traktora o kaya naghukay sila ng mga gubat, at pinaandar nila yung kanilang mga planta pati yung paglilinis ng mga mineral nagdudulot sila ng ambag duon sa pagdumi sa hangin.” Pahayag ni Garganera sa Radyo Veritas.
Bukod dito, ang iligal na pagpuputol ng mga puno ay nagdudulot din ng matinding pag-init ng klima dahil nakakalbo ang kagubatang dapat sana’y humihigop sa carbon dioxide at tumutulong sa pagpigil sa baha at landslide.
“Yung mga gubat at watershed na puputulin at kakalbuhin ng mga minahan, nababawasan yung kakayahan n gating gubat na higupin yung maduming hangin, so lalong umiinit ngayon yung klima natin.” Dagdag pa ni Garganera.
Sa kasalukuyan, patuloy ang mining audit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa unang bahagi ng pagsisiyasat, lumabas na nagdulot ng labis na environmental degradation ang apat na minahan sa Sta. Cruz, Zambales.
Dahil dito, sinuspindi na ng DENR ang operasyon ng Benguet Corp Nickel Mines Inc., Zambales Diversified Metals Corp., LNL Archipelago Minerals Inc. at Eramen Minerals Inc.
Tiniyak naman ni Garganera na makikipag-ugnayan ang ATM at nakahanda itong tumulong sa DENR upang mas masusing mapag-aralan ang iba pang large scale mining sites sa bansa.
Batay sa Mines and Geosciences Bureau sa kasalukuyan ay mayroong 40 operating metallic mines at 65 non metallic mines sa bansa na sasailalim sa mining audit.