1,159 total views
Inaasahang titibay ang bilateral relations ng Estados Unidos at Pilipinas sa tatlong araw na pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa bansa.
Tinalakay sa bilateral talks ni US Vice President Harris at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama si Vice-President Sara Duterte ang pagpapalago sa ekonomiya at pagpapatatag sa seguridad sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Dumating sa Pilipinas si US Vice President Harris nitong November 20 lulan ng Air Force Two na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport mag – alas siyete ng gabi.
Kasama ni Harris ang asawang si Douglas Emhoff at ilang kinatawan ng America na dumalo rin sa ginanap na 29th Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) leaders meeting Thailand.
Lalahok din si Harris sa town hall conversation ng mga kabataan at kababaihan habang bibisita rin ito sa Palawan sa November 22 upang makipagpulong sa mga residente, mga lokal na opisyal ng lalawigan at ng Philippine Coast Guard.
Una nang ibinahagi ng isang opisyal ng Amerika na ang pagbisita ni Harris sa Palawan ay pagtiyak na suportado nito ang Pilipinas sa paninindigan sa karapatan sa West Philippine Sea.
Sinalubong si Harris ni U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, Deputy Chief of Mission Heather Variava, Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, chief of presidential protocol Adelio Cruz, Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano, Pasay Rep. Antonino Calixto, at Manila International Airport Authority assistant general manager Rafael Regular.
Ayon sa embaha ng Estados Unidos sa Pilipinas, si Harris ang kauna-unahang Asian-American Vice President na bibisita sa Palawan.
Taong 2017 ng dumalaw ang pinakamataas na pinuno ng Amerika sa Pilipinas nang bumisita si dating US President Donald Trump kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.