1,398 total views
Suportado ng Alyansa Tigil Mina ang panukalang batas sa Kongreso na ipinag-uutos ang pagbabawal sa lahat ng uri ng pagmimina sa isla ng Mindoro.
Kabilang dito ang blacksand mining, armour rock mining at ang mineral extraction.
Ayon kay ATM National Coordinator Jaybee Garganera, maituturing na magandang hakbang ang panukala lalo’t higit sa mga matagal nang isinusulong ang pangangalaga sa Mindoro laban sa pinsalang dulot ng pagmimina.
“It sends an encouraging signal to mining-affected communities to continue the fight against harmful mining operations.” pahayag ni Garganera.
Ang House Bill 3891 o ang Mindoro Island Mining-Free Zone Act ay ini-akda ni Oriental Mindoro Representative Arnan Panaligan, na naglalayong panatilihin at pangalagaan ang mga likas na yaman ng Oriental at Occidental Mindoro.
Sinabi ni Garganera na kapag ganap nang naisabatas, tiyak na makakatulong ang panukala upang mabawasan ang mga panganib na maaaring idulot ng iba’t ibang sakuna.
“Considering that Mindoro has suffered the impact of environmental destruction, such as flooding, it is reassuring that the bill seeks to preserve the natural resources of the island, thereby preventing disasters in the future.” saad ni Garganera.
Hinimok naman ng Alyansa Tigil Mina ang mga miyembro ng Kongreso na suportahan ang panukala, at paghikayat sa iba pang kongresista mula sa mga apektado ng pagmimina na lumikha rin ng batas upang mapangalagaan ang kanilang mga lalawigan.
Samantala, pinuri naman ni Calapan Social Action Director Fr. Edu Gariguez ang inisyatibo ni Panaligan at tiniyak ang pagsuporta sa panukalang batas.
Pagbabahagi ni Fr. Gariguez, matagal nang katuwang ng mamamayan at simbahan si Panaligan sa panawagang pangalagaan ang inang kalikasan at tutulan ang anumang gawaing makapipinsala sa isla ng Mindoro.
“Ang panukalang batas na ito ang katuparan ng matagal ng pangarap upang gawing tunay na matibay ang tindig ng buong isla laban sa mapaminsalang malawakang pagmimina sa Mindoro! We support Housebill No. 3891!.” pahayag ni Fr. Gariguez.
Batay sa huling tala, mayroong 55 aktibong mining sites ang Pilipinas at may ilan pang kumpanyang naghihintay ng pahintulot upang makapagsimula ng operasyon.
Sang-ayon sa ensiklikal na Laudato Si, mariing tinututulan ng ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mining industry sapagkat nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala at paghihirap sa mga komunidad.