24,064 total views
Ayon kay Caritas Philippines vice president, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ang binabalak na hakbang ng DENR ay hindi makatutulong sa layuning pangalagaan ang kalikasan laban sa tuluyang pagkasira.
Ang nasabing kasunduan ay ang 2017 Memorandum of Agreement na nilagdaan sa ilalim ng pamumuno ng yumao at dating Environment Secretary Gina Lopez, kasama ang Masungi Georeserve Foundation, Inc. (MGFI) upang masimulan at maisakatuparan ang Masungi Geopark Project.
“This is a time when the government should be supporting successful initiatives, not hindering them,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Binigyang-diin ni Bishop Alminaza na ang tagumpay ng proyekto ay katibayan ng positibong epekto nito para sa kalikasan, kaya naman labis ang pagkabahala nito sakaling tuluyang mahinto ang pagsuporta rito ng DENR.
Una nang nabanggit sa pahayag ng MGFI na ang hakbang ng kagawaran ay marahil upang pahintulutan ang operasyon ng large-scale mining, land grabbers, quarrying at pool resorts sa loob ng protected area.
“Hindi na nga mabantayan ng DENR ang ating mga protected areas, gusto pa nilang tanggalin ang isa sa mga nangungunang organisasyon na nagtataguyod dito?” ayon kay MGFI Director for Advocacy Billie Dumaliang.
Hinimok naman ng Caritas Philippines ang pamahalaan na pagtuunan ang ibang pamamaraan, at magkaroon nang maayos na pakikipag-diyalogo at talakayan upang mabago ang desisyon hinggil sa pagbawi sa kasunduan.
“Caritas Philippines joins Masungi Georeserve in raising concerns that the cancellation could be a way to avoid the DENR’s obligation to remove illegal occupants from the protected area, including those with government ties,” saad ni Bishop Alminaza.
May lawak na 3,000 ektarya ang Masungi Geopark Project na matatagpuan sa loob ng Upper Marikina Watershed at Kaliwa Watershed sa lalawigan ng Rizal.