19,573 total views
Inaanyayahan ng Caritas Manila ang mamamayan lalu ang mga kabataan na makiisa sa Caritas Institute for Servant Leadership and Stewardship (ISLaS).
Sinabi ni Grace Devara, ISLaS Head Institute for Servant Leadership and Stewardship na ito ay upang mapadami ang mga volunteers sa mga parokya sa iba’t-ibang diyosesis sa Pilipinas na tumutulong sa mga pinakanangangailangan na mabago ang antas ng kanilang pamumuhay.
“Inaanyayahan po namin ang lahat na nagnanais makibahagi sa aming adhikain na magdonate ng kanilang Time, Talent at Treasure, sama-sama po tayong maging tulay upang maiabot ang tulong at suporta sa mga mahihirap at sa mga lubos na nangangailangan,” ayon sa pinadalang mensahe ni Devara sa Radio Veritas.
Inihayag ni Devara na ang mga kasapi sa inisyatibo ay nagiging daluyan ng pag-ibig ng panginoon para sa kapwa.
Pinapatibay din nito ang pagkakaisa sa lipunan kung saan ipinapadala ang volunteers sa mga lugar o komunidad na nangangailangan ng tulong dahil sa kahirapan o dahil sa pananalasa ng ibat-ibang uri ng kalamidad.
“Napakalaki ng kahalagahan ng pagvo-volunteer especially sa panahon ng crisis, binibigyan nito ng pagkakataon na makapag contribute ang mga tao sa kani kanilang mga komunidad lalong lalo na sa simbahan, Pinapatibay din ng pagvo-volunteer ang sense of unity, empathy and solidarity ng mga tao. Kapag sama sama nating hinaharap ang mga pagsubok, nagiging mas matatag tayo sa pagharap sa mga maari pa nating kaharapin na mga krisis,” ayon pa sa mensahe ni Devara.
Para sa mga nais maging volunteers ng Caritas ISLaS ay maaring makipag-ugnayan sa Caritas Manila sa mga numero bilang (02) 8-5-6-2-0-0-2-0 to 25 local 131 o magpadala ng mensahe sa official Facebook page ng Caritas Islas.
Sa tala noong Pebrero 2024 ay mahigit limang libo na ang mga volunteers ng Caritas ISLaS sa iba’t-ibang diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa.
Sila ay mula sa magkakaibang Social Service Development Ministry na katuwang ng mga volunteers ng iba’t-ibang Social Action Centers ng simbahan sa Pilipinas para mapadali ang pagbibigay ng tulong at serbisyo sa mga mahihirap na Pilipino.