9,036 total views
Hinimok ng simbahang katolika ang mamamayan na magkaisa at huwag matakot manindigan para sa ikabubuti ng kalikasan at Manila Bay.
Ginawa ng Caritas Philippines ang panawagan sa isinagawang “People’s Earth Day Gathering to Defend Manila Bay”at paggunita ng Earth Day kasama ang iba’t-ibang makakalikasang grupo at ecumenical groups sa Our Lady of Grace Parish sa lungsod ng Caloocan habang idinaos naman ang human chain formation sa Navotas City fountain.
Nanawagan si Fr.Eduardo Vasquez sa mamamayan na tulungan ang mga taong apektado ng pagkasira ng kalikasan.
“So ang panawagan ko lang para sa Earth Day ay yung panawagan ni Pope Francis sa Laudate Deum na maging bukas ang ating mata hindi lamang puro appearance na tayo ay nagke-care kungdi dapat tayo ay kumilos, na mayroon dapat na kongkretong aksyon, hindi lamang na nagke-care tayo doon sa mga tao na apektado kungdi tulungan sila, hindi puro salita kungdi kailangan natin ng gawan,” ayon sa panayam ng Radio Verias kay Father Vasquez.
Apela naman ng grupong Center for the Environmental Concerns at People’s Network for the Integrity of Coastal Habitats and Ecosystems sa mamamayan higit na sa mga kabataan na paigtingin ang pakikiisa sa mga pagkilos na magbibigay proteksyon sa kalikasan.
Tinukoy ni Lia Mai Torres, Executive Director grupo ang pagtutol sa reclamation projets sa Manila Bay na magdudulot ng labis na pinsala at tuluyang pagkawala ng kabuhayan ng mga mangingisda.
“Dahil lahat tayo maapektuhan, kung masira ang mga baybay, maari tayong magkaroon ng mga matinding pagbaha, maaring magkaroon ng mas malalang storm surge at maari pa lalong mabawasan ang mga food sources sa mga komunidad sa paligid ng Manila Bay, so ang mensahe namin dito ay isang mensahe ng pagkakaisa, hindi mososolusyunan ang mga malalaking problema kung hindi magtutulungan ang mga mamamayang Pilipino,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Torres.
Sa pag-aaral ng Center for the Environmental Concerns, 16-milyong Pilipino ang kagyat na mawawalan o maapektuhan ang kabuhayan sakaling maituloy ang reclamation projects sa Manila Bay.
Unang nakiisa ang Church People Workers Solidarity sa mga mangingisda ng Navotas City matapos mamatay sa stress o depresyon ang isa sa mga magtatahong sa lungsod nang ipagbawal ng pamahalaan ang pag-ani ng sariling alagain tahong.