18,533 total views
Dapat tiyakin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapalawak ng mga layunin ng Masungi Georeserve Foundation sa pangangalaga sa protected area.
Ayon kay Alyansa Tigil Mina national coordinator Jaybee Garganera, ito ang mahalagang pagtuunan ng DENR sa halip na ituloy ang planong pagbawi sa 2017 Memorandum of Agreement (MOA) para sa Masungi Geopark Project.
Iginiit ni Garganera na ang hakbang ng kagawaran ay maituturing na pagsasantabi sa tungkuling pangalagaan ang kalikasan katulad na lamang ng isinusulong ng Masungi Georeserve para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
“We fully support the Masungi Georeserve Foundation for its successful reforestation and management of the Masungi Georeserve Park. The justification of the DENR to cancel the MOA is flimsy and uses a technicality that misses the broader picture of conserving the Masungi Georeserve as a necessity for future generations,” pahayag ni Garganera.
Nakapaloob sa 2017 MOA na nilagdaan sa ilalim ng pamumuno ng yumao at dating Environment Secretary Gina Lopez ang pagsasakatuparan ng Masungi Geopark Project, na may lawak na 3,000 ektarya sa bahagi ng Upper Marikina Watershed at Kaliwa Watershed sa lalawigan ng Rizal.
Pinuri naman ng grupo ang hindi matatawarang pagtugon ng Masungi Georeserve sa pangangalaga sa kalikasan na umani na rin ng iba’t ibang karangalan.
Kabilang na rito ang pagkilala sa Masungi Geopark Project bilang world class Filipino environment project sa 2024 World Economic Forum sa Davos, Switzerland, at nang manalo naman sa 2022 United Nations Sustainable Development Goals Action Campaign Inspire Awards.
“The Foundation has undoubtedly done a great job concerning environmental protection, which has earned accolades internationally. Instead of cancelling the MOA, the DENR should ensure that the Foundation further expands its efforts and aid them by removing the illegal occupants in the area,” saad ni Garganera.
Una nang nagpahayag ng suporta ang Caritas Philippines sa Masungi Georeserve, at nanawagan sa pamahalaan na magkaroon ng maayos na pakikipag-diyalogo para baguhin ang desisyon sa pagbawi sa kasunduan.