9,911 total views
Iginiit ng dating pinuno ng Barangay Didipio sa Kasibu, Nueva Vizcaya na noon pa ma’y marami nang hinaing ang mga apektadong pamayanan dahil sa pinsala ng mining operations ng OceanaGold Philippines Inc. (OGPI) sa lugar.
Ayon kay dating Didipio Barangay Captain Erenio Bobolla, iba’t ibang resolusyon ang ipinalabas ng kanyang konseho upang tutulan at maipahinto ang Didipio mines.
Kabilang si Bobolla sa mga nagsampa ng kaso nitong Abril 22, upang bawiin ang Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) para sa mining operations ng OGPI.
“Mula noong ako ay naging kapitan, maraming reklamo ang dumating ukol dito. Ang Barangay Council ng Didipio ay laging naglalabas ng mga resolusyong tumututol, o kaya ay tuwirang pumipigil, sa pagmimina ng OGPI sa aming lugar,” pahayag ni Bobolla.
Inihayag naman ni Didipio Earth-Savers Multipurpose Association (DESAMA) vice chair Eduardo Ananayo, na kabilang rin sa mga nagsampa ng kaso laban sa OGPI, na ipinabatid ng OceanaGold sa pamamagitan ng liham ang renewal ng FTAA ng kumpanya.
Gayunman, iginiit ni Ananayo na hindi tumugon sa tamang proseso ang mining company sapagkat wala itong isinagawang prior consultation at environmental impact assessment bago ang muling pagkuha ng FTAA.
“Alam po namin na dapat may konsultasyon po muna sa amin, bilang kami po ay isang organisadong samahan sa Didipio at mga residente rin po dito, at kailangang pumayag po muna kami bago po ma-renew ang FTAA ng OGPI,” ayon kay Ananayo.
Samantala, sa ipinadala namang mensahe ng OGPI sa Radio Veritas, itinanggi ng kumpanya ang mga paratang at “fake news” laban sa Didipio mines.
Ayon sa mensahe, nakikipagtulungan sa kumpanya ang mga katutubo ng Didipio para sa hangaring magkaroon ng mapayapa at maunlad na pamumuhay.
Sa 400-pahinang petisyong inihain sa Bayombong Regional Trial Court, inihayag ng mga nagsampa ng petisyon ang nakasaad sa Section 26 at 27 ng Local Government Code na kinakailangang ang pamahalaan ay magsagawa ng lokal na konsultasyon at humingi ng pahintulot sa maaapektuhang pamayanan para sa mga proyektong may malaking epekto sa kalikasan, kabilang ang pagsasaayos ng FTAA ng OceanaGold.
Alinsunod naman sa Presidential Decree No. 1151; Presidential Decree No. 1586; at Philippine Mining Act, kailangan ang Environmental Clearance Certificate (ECC) at Environmental Impact Statement (EIS) batay sa Environmental Impact Assessment (EIA) para sa bawat proyektong may malaking epekto sa kalikasan.