2,771 total views
Magbabahagi si International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage (Antipolo Cathedral) Rector Fr. Reynante Tolentino sa Second Conference for Rectors of Shrine.
Ayon sa pari inaanyayahan ito ng Dicastery for Evangelization ng Vatican upang isalaysay at ibahagi ang debosyon sa Mahal na Birheng Maria.
Tiniyak ni Fr. Tolentino na gamitin itong pagkakataon para maipalaganap sa buong mundo ang malalim na debosyon ng mga Pilipino sa Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje.
“Unang una napakalaking biyaya nito sa akin bilang pari gayundin sa Antipolo bilang internation shrine kaya nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagkakataong maibahagi ang Mahal na Birhen ng Antipolo sa buong mundo,” pahayag ni Fr. Tolentino sa Radio Veritas.
Gaganapin sa Roma ang pagpupulong sa November 9 hanggang 11, 2023 sa temang ‘The Shrine: a House of Prayer’.
Sinabi ni Fr. Tolentino na kanyang ibabahagi sa pagpupulong ang iba’t ibang karanasan ng mga deboto na natulungan sa pagdedebosyon sa Mahal na Birheng Maria.
Kaugnay nito humiling ng panalangin ang pari sa matagumpay na pagpupulong at nawa’y maging inspirasyon ang kanyang pagbabahagi upang higit na lumaganap sa buong mundo ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Antipolo.
Hunyo 2022 nang maitalaga ang dambana bilang kauna-unahang international shrine sa Pilipinas, ikatlo sa Asya at pang – 11 sa buong mundo.
March 25 nang pangunahan ni Fr.Tolentino ang Banal na Misa tanda ng pagiging ganap na international shrine ng Antipolo Cathedral habang ipinagpaliban sa susunod na taon ang solemn declaration.
Batay sa kasaysayan January 14, 1954 nang ideklara ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang dambana bilang National Shrine kung saan dinadayo ito ng milyong milyong deboto sa bansa lalo na ang Penitential Walk mula Quiapo Church matapos ang “Pagdalaw ng Ina sa Anak” tuwing April 30 bago magsimula ang pilgrimage season mula unang Martes ng Mayo hanggang sa unang Martes ng Hulyo.