16,058 total views
Ibinahagi ng Pag-IBIG Fund na mahigit sa kalahating milyong Pilipino ang natulungan sa programa ng institusyon sa unang bahagi ng 2023.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chairman at Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar halos 16 na bilyong piso ang naipamahagi ng ahensya sa mga miyembrong nag-avail ng cash loans para sa kanilang pangangailangan.
“We at Pag-IBIG Fund exert all efforts in providing our members with assistance on their financial needs. We are happy to note that through our Pag-IBIG Multi-Purpose Loan, we were able to aid more than 700 thousand Filipino workers gain added funds to tend to their needs.” bahagi ng pahayag ni Acuzar.
Sinabi naman ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta na mahigit sa dalawang milyong kasapi ng institusyon ang umaasa sa Multi-Purpose Loan para matugunan ang kanilang agarang pangangailangan.
Dahil dito gumawa ng hakbang ang pamunuan para pabilisin ang proseso ng pag-apply ng MPL at iba pang programa ng ahensya sa pamamagitan ng mahigit 200 branches ng tanggapan sa buong bansa, online facility na Virtual Pag-IBIG na matatagpuan sa website; nito at ang Virtual Pag-IBIG mobile app.
“More than being a reliable source for cash, our MPL is now more accessible to members.” ani Acosta.
Sa nasabing programa maaaring makahiram ang mga miyembro ng hanggang 80 porsyento sa kanilang kabuuang Pag-IBIG Regular Savings na mula sa buwanang kontribusyon.
Maaari itong bayaran sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon sa mababang interes na 10.5 percent kada taon.
Sa mga nakalipas na taon mahigit na sa 90 porsyentong kita ang naibalik sa 15 milyong miyembro ng Pag-IBIG Fund sa pamamagitan ng dividendo.