275 total views
Nakalulungkot at nakapag-iinit ng damdamin ang pagkamatay ng isang menor de edad sa gitna ng patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Ayon kay Rev. Fr. Conegundo Garganta, Executive Secretary of CBCP Episcopal Commission on Youth, ang pagpatay sa sinuman ay isang pagsasayang ng buhay na dapat pagkalooban ng pangalawang pagkakataon upang makapagbago at itama ang nagawang mali.
Giit ng Pari, ito ang malungkot na katotohanan na nagaganap sa lipunan ngayon tulad ng pagkamatay ng 17-taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos sa Caloocan City.
“Sa totoo lang ito ay nakalulungkot at hindi lamang basta nakalulungkot kundi nakakapagpainit ng damdamin, isang buhay na sana kung may nagawang maliit na pagkakamali pero binigyan mo ng pagkakataon para makita ang kanyang sarili para sa pagbabago o para sa pagtatama…”pahayag ni Father Garganta sa panayam sa Radio Veritas.
Nilinaw ng Pari ang pakikiisa ng Simbahan sa layunin ng pamahalaan na magdulot ng malaking pagbabago sa lipunan ngunit hindi maaring idaan sa ‘shotcut’ o pagkitil sa buhay ang paghahanap ng solusyon sa suliranin ng bansa sa illegal na droga.
“Sila ay madala para sa pagbabago yun ang ating nais pero kung nasho-shortcut yung paraan para hanapin natin yung gamot o solusyon para sa suliranin at ang ibinubunga ay pag-aalis ng buhay medyo hindi ito katanggap tanggap kung ganito ang nagiging paraan at ang ibinubunga ay pagkasawi ng mga buhay…”Dagdag pa ni Fr. Garganta.
Kaugnay nito, batay sa inisyal na ulat ng mga otoridad sinasabing isang drug runner at nakipagbarilan ang binatilyo sa Caloocan City Police sa Barangay Santa Quiteria, Caloocan City noong ika-16 ng Agosto na taliwas naman sa mga nasaksihan ng ilang mga residente at naidokumento ng CCTV sa lugar.
Una na ring nagpalabas ng pahayag ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle at CBCP President Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na mariin kumukundina sa panibagong serye ng operasyon ng mga pulis laban sa ilegal na droga sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan halos 32-indibidwal ang naitatalang napapatay kada araw.
Kaugnay nito, nakatakdang mag-alay ng siyam na araw na pananalangin ang buong Archdiocese of Manila, Archdiocese of Lingayen-Dagupan, Diocese of Balanga, Bataan at Diocese of Cubao para sa pangkabuuang kapayapaan at kaayusan ng buong bansa sa gitna ng patuloy na karahasan sa lipunan.
Read: Reflect, Pray and Act