256 total views
Mag-aalay ng panalangin nang pagbabalik-loob at pagpapanibago ng puso ng bawat isa ang Diocese of Balanga, Bataan sa loob ng 9 na araw mula ika-22 hanggang ika-29 ng Agosto para sa pangkabuuang kapayapaan at kaayusan ng buong bansa.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People chairman Balanga Bishop Ruperto Santos, lubos na kinakailangan ng bayan ang paggabay ng Panginoon sa muling paglaganap ng kaguluhan at takot bunsod ng madugong operasyon ng mga pulis laban sa illegal na droga.
Bahagi ng naturang post communion prayer na i-aalay ng lahat ng mga parokya sa buong Diocese of Balanga Bataan ang patuloy na paggabay ng Panginoon sa puso’t isip ng bawat indbidwal na gawin ang tama at ang kaloob ng Diyos para sa sanlibutan.
Bahagi rin ang pananalangin para sa lahat ng mga biktima ng kawalang katarungan sa lipunan partikular na ang mga namatay sa kamay ng mga mapang-abusong otoridad.
Kaugnay nito, unang nagpalabas ng pahayag ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle at CBCP President Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na mariing kumukundina sa madugong serye ng operasyon ng mga pulis laban sa mga sinasabing sangkot sa ilegal na droga sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan halos 32-indibidwal ang naitatalang napapatay kada araw.