34,245 total views
Inaanyayahan ni Caceres Archbishop-emeritus Rolando Tria Tirona ang mananampalataya na samantalahin ang panahon ng Kuwaresma sa pagbabalik-loob sa Panginoon.
Ayon sa Arsobispo, ang panahon ng Kuwaresma ay isang pagkakataon upang makapagbago hindi lamang ng paraan ng pag-iisip kundi maging sa pagkilos upang higit na mapalapit sa Diyos.
Paliwanag ni Archbishop Tirona, mahalaga ring maunawaan ng bawat isa ang kahalagahan ng paglilingkod o pag-aalay sa kapwa lalo’t higit sa mga taong nangangailangan sa lipunan.
“Ngayon panahon ng kwaresma, inaanyayahan ko kayong baguhin ang ating pag-iisip o change of mindset, baguhin ang ating mga damdamin, lalo na baguhin ang ating mga kilos. Kilos o action that inclined ourselves to the poor… Self-awareness, call to conversion and especially renewal of our being, of our person, of our actions… Lent is a time to change, a time of change, above all a time of giving ourselves to Almighty God.” Bahagi ng mensahe ni Archbishop Tirona.
Pagbabahagi ng Arsobispo, mahalagang gamiting pagkakataon ng bawat isa ang panahon ng Kuwaresma na makapagbagong buhay upang mapalapit sa Panginoon na kailanman ay hindi inabandona ang sinuman sa kabila ng mga nagawang kasalanan.
“God is love and He never abandon us, we abandon God but God never abandons us… We need to convert to go back to God.” Dagdag pa ng Arsobispo.
Una ng binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang tatlong mahalagang panuntunan na dapat na sundin ng bawat isa para sa makabuluhang paggunita ng panahon ng Kuwaresma -ang pag-aayuno, pagdarasal at pagtulong sa mga nangangailangan.
Ang Kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda ng Simbahan sa pagggunita ng pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon oonalalapit na Mahal na Araw at Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus matapos ang kanyang pagpapakasakit sa Krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan.