10,970 total views
Nanawagan si Antipolo Bishop Ruperto Santos sa lahat na pagnilayan ang kahalagahan ng mahabang pasensya at kahinahunan sa bawat pagkakataon.
Kasunod ito ng insidente ng road rage sa Boso-Boso, Antipolo City, Rizal nitong March 30, 2025, na humantong sa pamamaril, kung saan 3 ang sugatan, kabilang ang kasintahan ng suspek, habang isa naman ang nasawi.
Binigyang-diin ng obispo na ang matinding galit ay maaaring humanton sa matinding pinsala sa buhay, na maaaring hindi na maibalik.
“This moment calls for deep reflection on the consequences of anger unchecked—a force that blinds, burns, and leaves lives shattered in its wake,” panawagan ni Bishop Santos.
Hinimok ni Bishop Santos ang lahat na alalahanin ang mga aral ni Kristo–na maging mapagpasensya, maunawain, at mahabagin sa halip na magpadala sa bugso ng damdamin.
Ipinaalala rin ng obispo na ang mga hamon sa araw-araw, tulad ng matinding trapiko sa kalsada, ay susubukin ang pasensya, ngunit maaari ring maging pagkakataon upang ipakita ang kabutihan at pagpipigil sa sarili.
Nagpasalamat naman si Bishop Santos sa Antipolo City Police, sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, para sa mabilis na pagkilos upang mahuli ang suspek at mapanumbalik ang kaayusan.
Dalangin ng obispo na nawa’y manaig ang kapayapaan at kagalingan sa mga apektado ng nangyaring trahedya.
“As we pray for the swift recovery of those injured, let us also pray for the conversion of hearts—may anger give way to peace, and may peace reign in our homes, our roads, and our lives,” dalangin ni Bishop Santos.