10,087 total views
Nakikiisa ang Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) sa mga pamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings (EJK) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ginanap na Pagbangon sa Hapag ng Pag-asa nitong March 31, 2025, sa Minor Basilica of San Pedro Bautista sa Quezon City, binigyang-diin ng CMSP ang kahalagahan ng pagtitipon upang alalahanin ang mga yumaong mahal sa buhay, hilumin ang sugatang puso, at muling manindigan para sa katarungan at kapayapaan.
Ginawa ito kasunod ng pagkakaaresto ng International Criminal Court (ICC) kay Duterte noong March 11, 2025 dahil sa mga krimen laban sa sangkatauhan.
“For many families, this moment represents a step toward accountability after years of struggle, pain, and unanswered calls for justice. Yet, while legal proceedings unfold, our commitment to supporting these families remains steadfast. Their grief is not erased by legal actions alone; they continue to seek truth, healing, and dignity for their loved ones,” pahayag ng CMSP.
Sinabi ng CMSP, na sa kabila ng paglipas ng mga taon, nananatiling buhay ang dalamhati at panawagan ng katarungan ng mga naulilang pamilya.
Sa Misa Pasasalamat na pinangunahan ni CMSP Co-Chair Fr. Lino Gregorio Redoblado, OFM, pinarangalan ang mga biktima ng EJK sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang mga larawan sa tabi ng imahen ni Hesus na Mahirap, pag-aalay ng bulaklak, at pagbabasbas.
Isinagisag nito ang sama-samang panawagan para sa katotohanan, katarungan, at kagalingan ng mga naulilang pamilya.
“We believe that faith compels us to act—to stand with those who grieve and to seek a future where justice prevails… As we gather at the table of hope, we reaffirm our commitment to accompany these families, to work for truth and accountability, and to build a society where life and dignity are upheld above all,” ayon sa CMSP.
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng CMSP, muling pinagtibay ng kapulungan ang misyon bilang mga saksi ng katotohanan at tagapagtaguyod ng katarungan at kapayapaan para sa mga inaapi, mahihirap, at nagdadalamhati.
Batay sa ulat ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), halos 9,000 katao ang nasawi sa ilalim ng War on Drugs ng administrasyong Duterte, habang tinatayang mahigit 20,000 naman ayon sa iba’t ibang human rights organizations sa Pilipinas.