68,149 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang linggo, inanunsyo ni Pangulong BBM na makauuwi na ang overseas Filipino worker (o OFW) na si Mary Jane Veloso. Siya na yata ang pinakainaabangang makauwi na OFW mula nang makulong siya sa Indonesia mahigit isang dekada na ang nakalilipas.
Noong 2010, nahuli siya sa isang airport sa Indonesia dahil may nakitang droga sa kanyang maleta. Ang maletang ito ay galing daw sa kaibigan niyang tumulong din sa kanyang makakuha ng trabaho sa Indonesia para masuportahan niya ang kanyang dalawang anak. Hinatulan siyang guilty at pinatawan ng parusang death penalty.
Noong 2015, labing-isang oras bago nakatakdang mangyari ang pagbitay kay Mary Jane, pinakiusapan ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino si dating Indonesian President Joko Widodo na ipagpaliban ito. Maaari daw maging state witness si Mary Jane para sa kaso laban sa isang malaking sindikato ng droga. Mula noon, nanatiling nakakulong si Mary Jane sa Indonesia, at ngayon nga, matapos ang labing-apat na taon (kasama ang siyam na taon matapos ma-delay ang kanyang parusa), makababalik na siya sa ating bansa.
Habang isinusulat ang editoryal na ito, wala pang malinaw na detalye sa kung ano ang mga susunod na mangyayari pagkatapos ng announcement tungkol sa pag-uwi ni Mary Jane. Pero ayon kay Foreign Undersecretary for Migration Eduardo de Vega, malinaw na tanggap ng Indonesia na walang death penalty sa Pilipinas. Sabi pa niya, inaasahan din daw ang pagpapawalang-sala ni PBBM kay Mary Jane. Ikinatuwa ng marami ang balita, at ilang migrant at human rights advocates ang nanawagan para sa pagpapawalang-sala kay Mary Jane bilang biktima siya ng human trafficking. Sa pahayag din ni PBBM, sinabi niyang si Mary Jane ay “victim of her circumstances,” at kahirapan ang nagtulak sa kanyang mag-OFW at mapasok sa kasalukuyang sitwasyong niya.
Ang balita ng kanyang pagbabalik sa bansa ay isang tagumpay, hindi lang dahil mapalalapit na siyang muli sa kanyang pamilya. Ipinagdiriwang din ng lahat ang hindi niya pagharap sa death penalty, na ayon sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, ay isang maling solusyon sa problemang sinusubukan nitong lutasin. Binanggit din dito ang mga extrajudicial executions na, gaya ng death penalty, hindi rin akmang paraan ng pagprotekta sa mga mamamayan.
Katulad ng pagdiriwang sa pag-uwi ni Mary Jane at paglaban sa pagpapawalang-sala sa kanya, pansinin din sana natin ang panawagan sa hustisya para sa mga pinatay sa madugong war on drugs at mga naulila nilang pamilya. Hindi na natin kailangan pang tumingin sa labas ng bansa natin. Sa kasalukuyang mga pagdinig sa Kamara, isa sa mga iniimbestigahan ang mga extrajudicial killings na nangyari noong administrasyong Duterte. Unti-unti na ring lumalabas ang katotohanan sa mga nangyari noon. Makita rin sana natin itong tagumpay, gaya ng hindi pagkakabitay kay Mary Jane.
Mga Kapanalig, huwag nating kalimutan ang mga kababayan nating mistulang pinarusahan ng death penalty dahil sa madugong war on drugs. Gaya ng nangyayari sa kaso ni Mary Jane, dumaloy din sana para sa mga biktima noong war on drugs “ang katarungan, gaya ng isang ilog,” katulad ng sabi sa Amos 5:24. Hindi man maibabalik ang buhay nila, huwag sanang tumigil ang mga kinauukulan hangga’t hindi nabibigyang-hustisya ang mga naiwan nilang pamilya. Panagutin dapat ang mga nagpahintulot nito at hindi na ito dapat maulit pa.
Sumainyo ang katotohanan.