8,746 total views
Iginiit ng opisyal ng Stella Maris Philippines na mahalaga ang pagkakaisa at pagtutulunga ng mga lider ng bansa.
Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos, CBCP Bishop Promoter ng grupo, ang nagpapatuloy na hidwaan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte ay lubhang nakakaapekto sa mga Pilipino kaya’t dapat na isantabi ang hindi pagkakaunawaan.
“We call upon our esteemed leaders to set aside their differences and work towards a common goal of peace and prosperity for all Filipinos. It is in moments like these that we must remember the importance of solidarity and collaboration,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ayon sa obispo mahalagang magkaisa ang mga lider ng bansa upang makamit ng Pilipinas ang tunay na pagkakaisa tungo sa maunlad at mapayapang lipunan.
Mas lumala ang tensyon sa pagitan ng dalawang pinakamataas na lider ng Pilipinas nang magbanta ang bise presidente na paslangin sina PBBM, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez bunsod ng alegasyong assasination plot laban kay Duterte.
Nag-ugat ang alitan sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa mga katiwaliang kinasasangkutan ni Duterte partikular na ang hindi maipaliwanag na paggamit sa 125 milyong pisong confidential at intelligence fund.
Sinabi ni Bishop Santos na bukas ang simbahang mamagitan upang magkasundo ang dalawang lider para sa kapakinabangan ng bawat Pilipino.
“The church stands ready to offer its support and facilitate a dialogue that can help bridge the gap between our leaders. As a beacon of hope and reconciliation, the church is committed to fostering an environment where open communication and mutual understanding can thrive,” ani Bishop Santos.
Apela ng obispo sa mamamayan na magtulungang ipanalangin ang kaliwanagan ng isip at patnubay sa mga lider ng bansa upang mapagtagumpayan ang anumang pagkakaiba at pamunuan ang bansa nang may integridad at pagmamalasakit.
“Together, we can build a brighter future for the Philippines, one that is rooted in unity, faith, and a shared commitment to the well-being of every Filipino,” saad ng obispo.
Sa mensahe ni Pope Francis sa Worldwide Prayer Network hiniling nito sa mananampalataya na ipanalangin ang mga political leaders na maging mabuting katiwala sa pamumuno sa nasasakupan at patuloy na gampanan ang mga tungkulin para sa kabutihan ng lahat at integral human development lalo na ang pagbibigay pansin sa mga mahihinang sektor ng lipunan tulad ng mga dukha.