6,685 total views
Hinikayat ng civil society groups ang pamahalaan ng Pilipinas at iba pang mga developing country mula sa Global South na tanggihan ang mapanganib na kasunduan sa climate finance.
Kaugnay ito ng naging talakayan sa 29th United Nations Climate Change Conference of Parties (COP29) Summit na ginanap sa Baku, Azerbaijan, hinggil sa panukalang New Collective Quantified Goal (NCQG) para sa climate finance na naglalayong pondohan ang mga programa sa pagtugon sa krisis sa klima at tulungan ang mga bansang labis na naaapektuhan nito.
Batay sa kasalukuyang panukala, target nitong maglaan ng $250 bilyong pondo taun-taon na mababa at hindi sapat upang tugunan ang pangangailangan ng mga bansa para sa loss and damage dulot ng krisis sa klima.
Ayon kay Caritas Philippines vice president, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, ang panukala ay isang insulto at kalunos-lunos sapagkat ang pondong nagkakahalaga ng $250 bilyon ay halos kapareho lamang ng kinita ng mga kumpanya ng langis at gas sa Estados Unidos noong 2023.
Iginiit ng obispo na ang pagtanggap sa ganitong kasunduan ay pagpapahintulot na rin sa pagkawasak at pagkamatay ng mga mahihirap na bansa dahil sa epekto ng krisis.
“If we allow world leaders to walk away with such a deal, we allow them to deliver our people to death and destruction. We urge our government in the Philippines and in developing nations to stand up and fight for the poor and vulnerable for an ambitious and just finance goal,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Sinabi ni Bishop Alminaza na dapat akuin ng mga mauunlad na bansa, na may malaking pananagutan sa polusyon sa inang kalikasan, ang kanilang moral na tungkulin na magbigay-reparasyon para sa mga pagkawala at pinsalang kanilang idinulot.
Dagdag pa ng obispo, panahon na upang gamitin ang pondo hindi para sa pagkawasak ng nag-iisang tahanan, kundi para sa pangangalaga at sa dignidad ng buhay ng tao.
“Delivering trillions, not billions, will convey their solidarity with developing countries and will allow them to begin delivering on their accountabilities,” ayon kay Bishop Alminaza.
Mahigit 300 CSOs na dumalo sa COP29 Summit ang hinihikayat ang mga bansang kabilang sa G77+China na huwag tanggapin ang kasalukuyang panukala at ipaglaban ang pagkakaloob na target na $1.3 trilyon na pondo, at hindi pautang.
Sa kasalukuyan, hinihintay ng mga delegado ang susunod na bersyon ng mga tekstong ipapanukala, na posibleng magdala ng bagong pag-asa sa usapin ng climate finance.