3,617 total views
Pinasalamatan at kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang mga guro sa kanilang natatanging tungkulin na linangin at hubugin ang mga kabataan na maging huwaran na mamamayan.
Ito ang ipinaabot na mensahe ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, chairman ng CBCP-ECCCE sa paggunita ng huling araw ng Teachers Month at International Teachers Day.
Ipinagdarasal ng Obispo na basbasan ng panginoon ng biyaya ang mga guro na ini-aalay ang buhay at oras sa pagtuturo sa mga kabataan.
“Muli po sa mga guro at mga manggagawa sa paaralan, dalangin po ang isang napakaganda at mapagpalang buhay, tulungan nawa kayo ng diyos sa inyong gawain, na magbukas ang puso at isip sa ating mga mag-aaral, pagpalain po kayo ng Diyos sa araw-araw muli po, Happy Teachers Day.” pahayag ni Bishop Mangalinao sa Radio Veritas.
Tiniyak rin ni Bishop Mangalinao ang pananalangin para sa ikabubuti ng kalagayan kasabay ng pagkaaroon ng sapat na kalakasan ng mga guro upang maipagpatuloy ang mabubuting adhikain sa pagtuturo ng kaalaman at mabuting asal sa mga mag-aaral.
Tatalima naman ang Alliance of Concerned Teachers sa kanilang mandato na maging boses at kinatawan ng mga guro sa kongreso upang isulong ang mga panukalang batas na magtataas sa kalidad ng edukasyon at kanilang pamumuhay.