2,007 total views
Nananawagan ang mga Obispo sa pamahalaan na tugunan ang krisis sa sektor ng agrikultura ng Pilipinas.
Ayon kay San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, higit na kailangan ng mga magsasaka ng suporta mula sa pamahalaan upang maiwasan ang krisis sa kakulangan ng suplay ng sibuyas at mataas na presyo ng bigas gayundin ang iba pang agricultural products.
Panalangin din ni Bishop Mallari na maunawaan ng mamamayan kasama ang pamahalaan at Department of Agriculture (DA) na hindi mapapalakas ang produksyon ng lokal na pagkain kung walang suporta ang mga magsasaka.
“Ipagdasal po natin ang ating bansa, patuloy po nating inaanyayahan ang bawa’t isa na tingnan itong crisis na ito bilang isang oportunidad upang kilalanin ang halaga ng mga magsasaka natin, oportunidad din upang mapagbuti ng mga nanunungkulan lalo na ang DA sa pagtulong sa mga magsasaka,oportunidad na magtulong-tulong tayo para sa ikabubuti ng ating bansa, pagpalain tayong lahat ng ating Poong Maykapal,” panalangin ni Bishop Mallari.
Nanawagan naman sa pamahalaan at mamamayan si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na pakinggan ang hinaing at apela ng mga manggagawa sa agrikultura.
Nanindigan ang Obispo na hindi masusulosyunan ng importasyon ng agricultural products ang kakulangan ng supply ng pagkain sa bansa.
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng pakikinig sa hinaing ng mga manggagawa sa agrikulura at pati narin sa ibang sektor ay mauunawaan ng sanlibutan kung paano lutasin ang mga suliranin sa ekonomiya.
Paalala rin ni Bishop Alminaza sa mga mananampalataya na makiisa sa mga sektor na nakakaranas ng labis na paniniil upang mapalakas ang kanilang mga panawagang tulong sa pamahalaan.
“It is no longer simply about exploitation and oppression, but something new,” the Holy Father tells us in his encyclical, Evangelii Gaudium (The Joy of the Gospel). “Exclusion ultimately has to do with what it means to be a part of the society in which we live; those excluded are no longer society’s underside or its fringes or its disenfranchised – they are no longer even a part of it,” ayon naman sa ipinadalang mensahe ni Bishop Alminaza.