223 total views
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Archdiocese of Tuguegarao sa Cagayan sa mga lokal na pamahalaan para sa assessment ng danyos na iniwan ng bagyong Lawin doon.
Ayon kay Social Action Center director Rev. Fr. Augustus Calubaquib, ito ay upang malaman nila ang bilang ng mga naapektuhan para na rin sa panawagan ng tulong.
Sinabi pa ng pari na sa initial assessment naman ng SAC, 70-80 porsiyento ng mga bahay ang nasira sa Tuguegarao City lamang.
Dagdag ni Fr. Calubaquib, nasa 1, 000 pamilya naman ang inilikas na ang ilan nanuluyan sa mga Simbahan na nagsilbing evacuation centers bago at sa kasagsagan ng bagyo subalit ngayon ay nagsibalikan na sa kani-kanilang mga bahay.
“Ang initial assessment ng SAC ng Tuguegarao City, 70-80 percent ng kabahayan natin ang damages sa City lang. Sa parish ko lang covering 16 barangay, may 1,000 pamilya ang lumikas pero ngayon nagsibalikan na sila sa kanilang mga bahay,” pahayag ni Fr. Calubaquib sa panayam ng Radyo Veritas.
Pahayag pa ng pari, maganda na ang panahon ngayon sa Tuguegarao at sumikat na rin ang araw.
Sa pananalasa ng Bagyong Lawin, walo ang nasawi habang mahigit isang daan at apat na libong indibidwal, o mahigit 20 libong pamilya ang naapektuhan mula sa 461 barangays sa bansa sa Regions 1, 2, 3, 4-A, 5 at Cordillera Administrative Region (CAR).
Nasa mahigit 40 libo limang daang pamilya ang nasa 331 na evacuation centers.
Patuloy namang nangangalap ng impormasyon ang ibat-ibang institusyon kabilang na ang Simbahang Katolika na handa ng tumulong sa mga nasalanta na may paunang tulong na pagbubukas ng mga simbahan bilang evacuation centers at pamamahagi ng relief items.
Si Lawin ang pang 12 bagyo na pinakamalakas ngayong taon na ayon naman sa mga taga Northern Luzon, ito ang pinakamalakas na naranasan nila sa kanilang buong buhay.