211 total views
Naniniwala si Prelature of Marawi Bishop Edwin Dela Peña na makabubuti para sa mga residente ng Marawi City na lumikas sa lungsod at magtungo sa mga karatig bayan malayo sa labanan.
Ayon sa Obispo, mas makabubuti para sa mga residente na lumayo sa sentro ng lungsod upang maiwasang maipit sa labanan ng tropa ng pamahalaan at teroristang grupong Maute.
Kaugnay nito nagpaabot rin ng pasasalamat ang Obispo sa mga taus-pusong tumutulong sa mga residenteng nagsisilikas sa siyudad sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga tubig at pagkain.
“It’s good, that people are getting out of Marawi. Marami ang pumupunta ngayon sa Iligan in fact very heavy ang traffic going to Iligan. It took an hour or so to travel to Iligan na abot ng minsan 12-oras, 10-hours, 7 etc. very heavy traffic. Talagang marami yung iba nga e naglalakad na lang but along the way marami din naman nagbibigay sa kanila ng pagkain, refreshments along the way…”pahayag ni Bishop Edwin Dela Peña sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kabila nito, inihayag ng Obispo na patuloy pa rin ang kanilang pag-antabay at pagbabantay para sa mga opisyal na impormasyon at detalye matapos ang tatlong araw mula ng magsimula ang bakbakan sa Marawi.
Bukod sa 9 na Kristiyanong una nang pinaslang ng Maute group ay dinukot ng grupo si Fr. Chito Suganob na siyang Vicar General ng Prelatura ng Marawi at ilan pang parishioner ng St. Mary’s Cathedral noong ika-23 ng Mayo.
“Hanggang sa ngayon, day 3 naghihintay pa rin kami. Wala pa rin kami natatanggap na pormal, opisyal. We’re getting fillers, some are very positive but we need to get it from the source kailangang verified ang mga natatanggap natin na mga reports…”pahayag ni Bishop Edwin Dela Peña.
Kaugnay nito, kaligtasan naman ng mga bihag at residente ang panalangin at panawagan ni Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo at Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Sa tala ng National Grid Corporation of the Philippines, 8-bayan sa Lanao Del Sur at 60-porsiyento ng Marawi City ay walang kuryente sa kasalukuyan.