198 total views
Nangangamba ang isang Obispo mula sa Mindanao na hindi maganda sa imahe ng rehiyon ang muling pagpapalawig ng Martial Law.
Ito ang pahayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa pahayag na posibleng mapalawig ang batas militar bunsod ng panibagong insidente ng pagsabog sa Sultan Kudarat.
Ayon sa Obispo, hindi siya sang-ayon sa mungkahing pagpapalawig dahil lilikha ito ng impresyon sa international community na hindi kontrolado ang peace and order sa Mindanao at kawalan ng tiwala sa kakayahan ng LGU’s sa pamamahala.
Naniniwala si Bishop Bagaforo na kayang resolbahin ng Philippine National Police ang banta sa seguridad sa rehiyon.
“No to extension of Martial law, not anymore necessary. For three reasons, extending it will only send wrong impressions to outside world that “peace and order” in Mindanao is beyond control. Second this could be an isolated incident which the PNP can resolve, and lastly martial law is mistrust on LGU’s capacity to govern.
Nagpahayag din ng pakikiisa at panalangin ang Obispo sa mga biktima ng pagsabog.
Hinimok din ng Obispo ang lahat na maging handa, mapagmatyag, magtulungan at magkaisa.
“We offer our prayers to all victims and we urge everyone especially people of Isulan to vigilant and unite evermore to have their place secure & peaceful,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Unang inihayag ni Executive secretary Salvador Medialdea na posibleng muling palawigin ang batas militar kasunod ng insidente ng pagsabog na nagresulta ng pagkasawi ng tatlo katao at pagkasugat ng higit sa 30 iba pa.
Ayon sa kalihim, ang insidente ay nangyari sa kabila ng pag-iral ng martial law na isang palatandaan na dapat pa itong pahabain dulot na rin ng presensya ng mga terorista.
Unang idineklara ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-iral ng 90 araw na martial law dulot ng digmaan sa Marawi City noong Mayo 2017.
At ito ay muling napalawig para sa buong taon ng 2017 at sa sa kahilingan din ng Pangulo na palawigin pa ito hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon.