8,688 total views
Pinangunahan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, ang Banal na Misa upang hilingin ang kagalingan ni Pope Francis.
Ginanap ang pagdiriwang nitong February 20, sa Cathedral Parish of San Roque, ang patron ng mga may karamdaman at nagdurusa, sa Caloocan City.
Tugon ito ni Cardinal David sa panawagan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown na ipanalangin ang agarang paggaling ng Santo Papa.
Sa pagsisimula ng pagninilay, hiniling ng kardinal sa mga mananampalataya ang patuloy na pananalangin para sa agaran at ganap na kagalingan ng Santo Papa mula sa iniindang karamdaman sa baga.
“I hope we all continue to pray for our dear Holy Father, Pope Francis. You know already from the news that he is suffering from a serious case of pneumonia, and he’s having difficulty breathing. But this morning [February 20], well, just a while ago actually, I got the news that when he woke up this morning, he was feeling a little better and the doctors are seeing already some improvement. And he’s very grateful for all the people who are joining him in prayer,” pahayag ni Cardinal David.
February 14 nang dalhin ang 88-taong gulang na Santo Papa sa Gemelli Hospital sa Roma dahil sa bronchitis, at kalauna’y nakitaan ng bilateral o double pneumonia sa baga kaya kinailangan ang karagdagang gamutan.
Sa huling ulat ng Holy See Press Office, bahagyang bumuti ang kalagayan ng Santo Papa, at ipinagpatuloy ang ilang tungkulin bilang pinuno ng simbahang katolika.
Matatandaan noong siya’y 21 taong gulang, tinanggalan si Pope Francis ng bahagi ng kanang baga matapos magkaroon ng pleurisy, na halos kanyang ikamatay.
Bukod kina Archbishop Brown at Cardinal David, nanawagan din ng panalangin para sa agarang kagalingan ng Santo Papa sina CBCP-Episcopal Commission on Youth chairman, Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon, at Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.