285 total views
Naniniwala si Defensores Fidei Foundation Associate member Atty. Marwil Llasos, OP na ang pagpapatatag sa moralidad ng tao ang sagot sa kaayusan ng bansa at hindi ang Federal system na uri ng pamahalaan.
Inihayag ni Llasos na kailangang magkaroon ng isang programa na tutulong upang mapanumbalik ang moralidad ng tao kabilang na ang pagmamahal sa kapwa, katapatan, pagiging disente at paggalang sa kapwa.
“Hindi natin masasabi na epektibo ang form of government na ‘yan [Federalismo] kung hindi nakabatay sa mas matatag na moralidad ng mamamayan. Mas kinakailangan na magkoroon muna ng isang moral recovery program dahil kung titinganan natin ang values ng karamihan sa ating kababayan sa panahon ngayon ay tila wala na sa wisyo,” pahayag ni Atty. Llasos sa Radio Veritas
Iginiit ni Llasos na dapat maging mabuting ehemplo ang mga nanunugkulan sa gobyerno sapagkat sa kanila magsisimula ang pagbabago.
Kumpiyansa rin si Llasos na kung magtutulungan ang simbahan at pamahalaan sa pagtutuwid ng baluktot na moralidad ng nakararami ay mas mabilis na matatamo ng bansa ang inaasam nitong kaayusan at kaunlaran.
Isa sa prayoridad ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng Pilipinas ng federal government.
Sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika, hindi nasusukat sa kung anong uri ng pamahalaan ang kaunlaran ng isang bansa kundi sa pagiging tapat ng mga opisyal nito.