187 total views
Hindi dapat na ituring na problema ng pamahalaan ang patuloy na paglaki ng populasyon ng Pilipinas.
Ito ang panawagan ni Rita Linda Dayrit – President ng Pro-Life Philippines Foundation sa pamahalaan kaugnay sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatalakayin sa cabinet meeting ang paglaki ng bilang ng populasyon ng bansa.
Paliwanag ni Dayrit, dapat tutukan ng pamahalaan ang pagbibigay ng mas magandang oportunidad para sa lahat sa halip na population control.
Naninindigan si Dayrit na sapat ang resources ng gobyerno sa lumalaking populasyon ng bansa.
Ayon kay Dayrit, dapat harapin ng gobyerno ang problema sa kawalan ng sapat na industriya sa mga malalayong lalawigan, kakulangan ng hanapbuhay, kawalan ng trabaho, kawalan ng programa sa agriculture sector, mga mangingisda at pagkakaloob ng kalidad na edukasyon maging sa mga mahihirap.
“Tingin ko yung resources is enough sana mas tutukan nila yung industry sa country side, pag-create ng jobs for the poor, the educational system, yung nutrition for the poor lalo na yung mga bata ano, kasi yung population control hindi naman malaking problema yun…” pahayag ni Dayrit sa Radio Veritas
Bukod dito, iginiit ni Dayrit na kung matitiyak lamang ng pamahalaan na mapupunta sa mga Filipino ang angking yaman o resources ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagsugpo sa kurapsyon at katiwalian ay hindi na nararapat pang pangambahan ang paglaki ng populasyon dahil sa higit pang kasapatan nito para sa mga Filipino.
“Sana ang pag-usapan nila is paanong mababawasan ang kurapsyon para ang resources ng Pilipinas ay mapunta sa Filipino,tutukan yung mga malpractices sa gobyerno, sa mga kontrata para siguraduhin natin na may perang matitira sa ating mga kababayan. Bigyan pansin yung mga nasa laylayan ng lipunan.”panawagan ni Dayrit sa pamahalaan.
Inihayag ni Pangulong Duterte ang pagtalakay sa mas epektibong family planning sa pagbubukas ng Palarong Pambansa sa Antique.
Batay sa tala POPCOM o Commission on Population noong Enero 2016, tinatayang umaabot na sa 102.4 milyon ang kabuuang bilang ng populasyon ng Pilipinas na itinuturing na “ika-labintatlong bansa na may pinakamalaking populasyon sa buong mundo”.
Magugunitang sa naganap na pagbisita sa Pilipinas ni Pope Francis noong Enero ng taong 2015, ay hinamon nito ang lahat ng sektor ng lipunan na talikdan at iwasan ang anumang uri ng kurapsyon at katiwalian na umaangkin sa pondong nararapat para sa mga mahihirap.