708 total views
Iginiit ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na kakila-kilabot ang pagpaslang sa mga walang muwang at walang kalaban-laban sa lipunan.
Ito ang pahayag ni Fr. Jerome Secillano, Executive-secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs kaugnay sa lumaganap na underground abortion sa bansa na aktibo sa mga social media platform.
“Aborting babies should not have a place in our society; the killing of the defenseless is the most senseless and dreadful of all crimes,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Nitong nakalipas na araw ay nag-viral sa social media ang isang post na mariing nagkondena sa mga kaso ng aborsyon sa bansa kalakip ang ilang larawang kuha o screenshots ng pinaniniwalaang testimonya at reviews ng ilang kliyente na nagpalaglag sa mga abortionists’ underground clinic.
Sa pananaliksik ng Veritas News, napag-alamang binubuo ng mga professional medical doctors ang nagsasagawa ng underground abortion sa bansa ngunit kamakailan lang ay mas aktibo na ito sa Facebook at Twitter ang mga social media platforms na ginamit sa advertisment ng kanilang serbisyo.
Sa mga nakalap na impormasyon, nasa pagitan ng limang libo hanggang 20-libong piso ang presyo sa bawat serbisyo depende kung ilang buwang buntis ang babae habang nagbibigay din ito ng 10-percent discount sa mga estudyante.
Sa pag-aaral naman ng Guttmacher Institute noong 2013, tinatayang mahigit sa 600 libong aborsyon ang isinagawa sa Pilipinas noong 2012.
Binigyang diin ni Fr. Secillano na dapat mapanagot sa batas ang sinumang grupo, institusyon o indibidwal ang nagsasagawa ng aborsyon sapagkat ito ay labag sa konstitusyon at ipinagbabawal sa Pilipinas.
“Those responsible for the practice of abortion should also be made accountable for their crime under our laws,” giit ni Fr. Secillano.
Paliwanag pa ng opisyal na may mga institusyong pinamamahalaan ng religious groups ang tumatanggap at nangangalaga sa mga kabataang biktima ng ‘unwanted pregnancy’ ng mga magulang.
Aniya, nararapat mabigyang pagkakataong masilayan ng mga ipinagbubuntis ang kagandahan ng mundo at ito rin ay bahagi ng karaniwang karapatan ng tao ang mabuhay.
“Parents should simply allow their children to see the light of day and if they are not up to the task of taking care of them due perhaps to adverse circumstances, they can allow the State or other responsible institutions to bring up their children; we already have different means to take good care of children “unwanted” by their parents,” dagdag pa ng opisyal.
Patuloy namang nanindigan ang simbahang katolika sa bansa laban sa anumang batas na pipigil sa karapatang mabuhay ng tao tulad ng reproductive health law at death penalty sapagkat pinahahalagahan nito ang buhay ay sagrado.
Batay sa tala isa ang Pilipinas sa 23 mga bansa na nagbabawal sa aborsyon kung saan ang mga mahuhuling lalabag ay maaring mahaharap sa kasong kriminal at makulong ng hanggang anim na taon.