176 total views
Aminado ang Task Force Detainees of the Philippines na makabubuting tutukan at lutasin ng pamahalaan ang problema ng illegal na droga at kriminalidad sa bansa ngunit dapat tiyaking nasa tamang proseso at hindi nito nalalabag ang batas.
Ipinaliwanag ni Sister Cresencia Lucero, Chairperson of the Board ng TFDP, napapanahon na upang sulusyunan ang problema sa bawal na gamot sa bansa na pangunahing itinuturong dahilan ng krimen sa kasalukuyan at bumibiktima ng mga inosenteng kabataan ngunit nararapat itong dumaan sa tamang proseso.
“Well maganda, welcome yung pag-address yung drug syndicate and drug crimes kasi kawawa sayang yung ating mga kabataan sila talaga yung nasisira sa ganyan, pero dapat ilagay pa din sa tamang proseso,” pahayag ni Sister Lucero.
Ayon nga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) aabot sa 92-porsyento ng mga barangay sa Metro Manila at 1/5 naman ng mga barangay sa buong bansa ay apektado ng droga.
Samantala, una na ngang nagpahayag ng pangamba ang CBCP kaugnay ng vigilantism partikular na sa lumalaking bilang ng mga namamatay sa operasyon ng mga otoridad kontra droga at nanawagan sa mga prosecutors at mga hukom na manatiling matibay sa pagpapairal ng batas at katarungang panglipunan maging sa mga nagkasala.
Sa kasaluyan, batay sa pinakahuling tala ng Philippine National Police, tumaas ng 200-porsyento ang bilang ng mga napapatay sa operasyon ng pulisya kung saan tinatayang umaabot na sa higit 65 ang kaso ng drug-related killings matapos ang May 9-National at Local elections.