648 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa ika-16 na Linggo ng Karaniwang Panahon, 21 ng Hulyo 2022, Mt 13:10-17
Bakit ba kapag iba ang kausap mo, patalinghaga ka kung magsalita? Pero bakit sa aming mga alagad mo pinaliliwanag mo at pinaiiintinding mabuti? Kaya tuloy hindi ka nila maintindihan. Parang ganito ang tanong ng mga alagad kay Hesus. At ang sagot niya ay—natutupad lang sa kanila ang hula ni propeta Isaias. Para mas maintindihan natin, siguro kailangan balikan muna natin ang sinasabi ni Hesus na hula daw ni propeta Isaias.
Nasa Isaiah chapter 6 ang kuwento. Nagpakita daw minsan ang Diyos ng Israel sa propeta sa isang pangitain, nakaupo daw siya sa trono at pinaiikutan ng libo-libong mga anghel. Natakot daw ang propeta dahil ayon sa alam niya, pag nakita ng isang taong makasalanan ang Diyos, ibig sabihin mamamatay na siya. Kaya nasabi niya, “Patay ako. Isa akong taong madumi ang bibig, isang taong makasalanan; pero nakita ko ang Diyos. Samakatuwid mamamatay na ako.” Pero kumuha daw ang isang anghel ng kapirasong uling na nagbabaga at idinampi ito sa kanyang bibig at sinabi sa kanya, “Ayan, malinis ka na.”
Pagkatapos narinig daw ng propeta ang Diyos, tinatanong ang mga anghel kung sino daw ba ang pwede niyang suguin para sa isang misyon. Sumabat-sabat ba naman siya at nagvolunteer: “Ako ho! Kung ibig ninyo, ako na lang po ang isugo ninyo!”
At inexplain daw ng Diyos kung ano ang misyon na ibig niyang ipagawa: “Ok. Heto ang misyon mo. Patitigasin mo ang mga puso ng mga taong kakausapin mo. Kahit anong paliwanag ang gagawin mo, hindi nila maiiintindihan. Magsasara sila ng mata upang hindi makakita, at ng tainga upang hindi makarinig.”
Nabigla ang propeta sa narinig niya. Gusto pa yatang umatras pero napasubo na siya. Ano nga ba namang klaseng misyon ito? Kaya tinanong niya ang Panginoon, HANGGANG KAILAN ko ito gagawin? At ang sagot ay, Hayaan mo lang na maligaw sila ng landas at mapariwara upang sila’y magdusa at matuto mula sa kanilang malaking pagkakamali.
Ito ang sinasabi ni Hesus na matutupad sa mga taong tulad ng mga Pariseo na nagsara din ng puso sa kanyang salita. Totoo nga naman. Sa mga ayaw maniwala, walang sapat na paliwanag. Walang makikita ang mga taong sarado ang isip at puso.
Isa daw sa pinakamasaklap na karanasan ng mga magulang ay ang sandaling magkatotoo ang kanilang babala sa kanilang mga anak, babala na hindi nila pinakinggan at ngayon ay kailangan nilang ipagdusa. Ito ang sandali na sasabihin nila, “Kita mo na kung ano ang ibig naming sabihin sa iyo anak?” Kung nakinig ka lang sana. Laging sa huli ang pagsisisi.
Parang ganyan din ang Diyos sa atin, ito ang paliwanag ni Hesus sa mga nagmamatigas ang puso. Katulad ng bayang Israel na sumubok sa pasensya ng Panginoon sa disyerto sa loob ng apatnapung taon. “Pilit nila akong hinamon at inudyok sa loob ng 40 taon, kahit nasaksihan na nila ang lahat ng aking mga ginawa. Ang mga puso nila ay lumihis, lumayo na sila sa aking landas, kaya sa galit ko’y isinumpa kong hindi sila daranas ng aking pahinga.”
Siguro dito nanggaling ang konsepto natin ng purgatoryo. Pagdurusa na hindi maiiwasan dahil kusa natin pinipili at kailangan munang matuto mula sa pagkakamali. Hindi kaya dapat sabihin na kung minsan pwede rin palang maging daan ng kaligtasan ang mga pagkakamali, kapag ito ay nagsilbi bilang paraan ng pagmumulat?