210 total views
Tiniyak ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na mananagot sa Diyos ang may kagagawan sa pagpaslang sa mga inosente.
Ito ang pahayag ni CBCP-Episcopal Commission on the Laity Chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa patuloy na pagdami ng mga biktima ng extra judicial killings partikular sa pagpaslang ng isang menor de edad na si Kian Lloyd Delos Santos.
Kinondena rin ng Obispo ang kabi-kabilang pagpaslang sa likod ng war on drugs na walang pagkilala sa batas at maging sa kasagraduhan ng buhay.
“I condemn the killing spree perpetrated in the name of war against drugs. There is more criminality now – and worse, done in the name of the law! Down with the culture of impunity. Mananagot din kayo sa Diyos!,” ayon kay Bishop Pabillo.
Base sa ulat, higit sa 12 libo na ang napapatay sa dalawang taong kampanya ng Duterte administration laban sa illegal na droga, kabilang ang mga pagpatay sa lehitimong police operations.
Una na ring umalma si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, habang nanawagan na rin ng pambansang pagpapatunog ng kampana si CBCP President Archbishop Socrates Villegas para gisingin ang konsensya ng mamamayan sa nagaganap na pagpaslang at pananahimik sa kabila ng mga pagpaslang.
Giit ng mga opisyal ng simbahan, dapat tumimo sa isipan ng bawat mamamayang Filipino na ang lahat ay may karapatan sa due process, at kailangan manindigan sa maling gawa na tila nagiging isang pangkaraniwan.
Read: CBCP, kaisa ng mga biktima ng EJK sa paghahanap ng katarungan
Reflect, Pray and Act
ANG KAMPANA NG KONSENSIYA!