199 total views
Pinaslang nang malapitan ang 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos.
Ito ang inihayag ni Atty. Persida Acosta, chief ng Public Attorney’s Office matapos ang tatlong oras na forensic examination sa bangkay ng biktima.
Si Delos Santos ay kabilang sa mga pinaslang sa isinasagawang war on drugs ng Duterte administration na sa kasalukuyan ay umaabot na sa higit 13 libo katao.
Paliwanag ni Acosta, nagtamo ng tatlong tama ng bala ang biktima na matatagpuan sa ulo, sa loob ng tenga at sa likurang bahagi ng kaniyang katawan.
“Nakapanlulumo po ito, fatal po ito, at hindi ka mabubuhay sa mga tama na ito. Wala po akong makitang traces nang panlalaban, ang traces po ay intentional killing po ito,” ayon kay Acosta sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Una na ring inihayag na Acosta na murder ang kaso na isasampa sa tatlong pulis na sinasabing pumaslang kay Delos Santos base na rin sa nakalap na ebidensya at CCTV footage.
Tiniyak naman ni Acosta na hindi state sponsored ang extra judicial killings at tiniyak na mananagot ang mga pulis na iniuugnay sa pagpaslang.
Una na ring nagpalabas ng pahayag sina Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, habang nanawagan na rin ng pagpapatunog ng kampana si CBCP President Archbishop Socrates Villegas para gisingin ang konsensya ng mamamayan sa nagaganap na pagpaslang at pananahimik sa kabila ng mga pagpaslang.