2,971 total views
Tinatayang umaabot sa 18,000 deboto ang nakiisa sa pagdiriwang ng pista ng Poong Jesus Nazareno sa Cagayan de Oro City.
Ayon kay Fr. Anthony Bagtong, SSJV-vicar ng Archdiocesan Shrine and Parish Jesus Nazareno Cagayan de Oro, ang mga deboto ay hindi mula sa kanilang lalawigan kundi maging sa iba pang mga lalawigan sa Mindanao at Visayas.
Nagsimula ang misa para sa kapistahan ng Poong Jesus Nazareno sa ikaapat ng madaling araw sa St. Augustine Cathedral na pinamunuan ni Msgr. Alan Pulgo, na sinundan ng prusisyon patungong Archdiocesan Shrine of Jesus Nazareno Parish sa CM Recto, Cagayan de Oro City, at nagtapos sa ikapito ng umaga.
Panawagan naman ni Fr. Bagtong sa bawat deboto na nawa ang pakikiisa ng mga deboto sa kapistahan ng Poong Hesus Nazareno ay maging inspirasyon ng bawat isa sa pagpapatatag ng pananampalataya.
“For the Filipino Catholics, I hope and pray, that the feast day or celebration of Poong Jesus Nazareno will really inspire us in our journey of faith, especially as we begin the Year of Hope. May the love and mercy of Jesus Nazareno strengthen our faith in Him, our trust in Him,” ayon kay Fr. BAgtong sa panayam ng Barangay Simbayanan.
Patuloy na Pasasalat
Panawagan pa ng pari sa bawat deboto ng Poong Jesus Nazareno ang patuloy na pasasalamat sa lahat ng biyayang natanggap mula sa Panginoon, at maibahagi ang kabutihang ito sa kapwa.
Dagdag pa ni Fr. Bagtong, “And yung pagsali natin sa Traslacion-the ‘transfer’ we also grant us the grace of transformation as individuals, as a family and as a nation.”
Sa nalalapit na halalan
Umaasa rin ang pari na ang pagbabagong ito, ay maging daan din sa pananaw ng bawat Filipino sa pagpili ng mga ihahalal sa nalalapit na midterm elections sa Mayo.
Nawa ayon pa kay Fr. Bagtong ay piliin ng mamamayan ang mga pulitiko na hindi lamang Maka-bayan kundi dapat ay Maka-Diyos at Makatao.
“Especially upcoming na iyong election, so we ask the Poong Nazareno to help us with our choices hopefully and we come up with politicians, not just Makabayan but also MakaDiyos and Makatao. And we continue to allow God to surprise us with His Great love and Mercy,” ayon pa kay Fr. Bagtong.
Nagsimula ang pagdiriwang ng pista ng Nazareno sa Cagayan de Oro noong 2009 nang igawad ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno ang isang replica image sa simbahan ng Arkidiyosesis ng Cotabato.
Una na ring inaprubahan ng Vatican ang hiling ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang January 9 bilang pambansang kapistahan ng Poong Jesus Nazareno, gayundin ang pagkilala sa simbahan ng Quiapo bilang Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno.