Mga Kapanalig, ang pagkilala sa ating mga karapatang pantao o human rights ay nakaugat sa katarungan. Ayon pa kay St Pope John XXIII sa Pacem in Terris, kaakibat ng pagkilala sa ating human rights ay ang tungkuling kilalanin at galangin ang mga karapatan ng ating kapwa-tao.
Nararanasan ngayon ni dating Pangulong Duterte kung ano ang pakiramdam kapag kinikilala at iginagalang ang mga karapatang pantao.
Ipagpaliban ang kanyang confirmation of charges sa International Criminal Court (o ICC) na nakatakda sanang isagawa sa Setyembre 23. Ipinagpaliban ng Pre-Trial Chamber I ng ICC ang pagdinig sa kaso kasunod ng hiling na bigyan ang dating pangulo ng indefinite adjournment sa mga pagdinig. Hindi raw siya “fit for trial.” Nais din ng hukuman na magkaroon pa ng sapat na oras upang pagpasyahan ang hiling ng depensa.
Ikinadismaya ng mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs ang pagkaantala ng pagdinig. Para sa grupong Rise Up for Life and for Rights, drama lang daw ito ng dating pangulo upang hindi humarap sa korte. Kasabay ng pagkaantala ng pagdinig, nakipagkita si Royina Garma sa mga kinatawan ng ICC sa Malaysia upang magbigay ng testimonya laban sa dating pangulo. Si Royina Garma ay dating police officer na nakipagsabwatan sa noo’y President-elect Duterte upang planuhin ang karumal-dumal na war on drugs ng nakaraang administrasyon na kumitil sa buhay ng halos 30,000 biktima.
Masuwerte ang dating presidente dahil iginagalang ang kanyang mga karapatan kahit siya ay nakapiit sa ibang bansa. Nakakamit niya ang kanyang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, maayos na tulugan, at sapat na serbisyong medikal kahit pa nilimitahan ang kanyang kalayaan. Natatamo rin niya ang right to due process dahil sa korte dinidinig ang kanyang kaso. At ngayon, pagpapasyahan ang kanyang hiling na ma-postpone ang hearing dahil hindi raw siya “fit” o malusog para humarap sa paglilitis. Hindi maitatangging kinikilala ng ICC ang kanyang mga karapatan.
Kabaligtaran ito sa naranasan ng libu-libong pinatay ng kanyang administrasyon sa ngalan ng kapayapaan at kaayusan. Ang mga karapatang kanyang tinatamasa at iginagalang sa kabila ng kanyang pagkakakulong ay ang mga karapatang ipinagkait sa mga biktima ng giyera kontra droga. Marami sa mga biktima ay mga taong hindi nakakamit ang kanilang pangunahing pangangailangan sa buhay. Hindi rin nila naranasan ang due process ng batas. Hindi man lang sila nakaranas ng pagdinig sa korte. Pinakamalalâ ay walang awa silang pinatay kahit pa walang matibay na ebidensya ng pagkakasangkot nila sa droga. Madalas ay itinanim na lang ang ebidensya o pinalalabas na lang na nanlaban sila sa mga pulis kaya namatay.
May kaakibat na tungkulin ang mga karapatan. Tungkulin ng ICC na litisin nang patas at makatarungan ang dating pangulo. Tungkulin nating bantayan ang pagpapanagot sa mga lider nating nagkasala. Tungkulin ng gobyernong tumulong na hanapin ang katotohanan. At panghuli, tungkulin ni dating Pangulong Duterte na harapin ang kanyang kaso. Sa ganitong paraan, makakamit ng mga biktima ng madugong giyera kontra droga ang katarungang ipinagkait sa kanila ng dating administrasyon.
Mga Kapanalig, iwan natin sa mga eksperto kung not fit for trial nga ba si dating Pangulong Duterte. Mukha namang nasa mga mabuting kamay ang dating pangulo. Malayung-malayo ang kalagayan niya sa kalagayan ng mga bilanggo sa ating bansa. Mas malayung-malayo ang nararanasan niya sa mga kababayan nating hindi nabigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili sa harap ng batas. Patunay ito na kayang “maunawaan ang katuwiran at katarungan,” gaya ng sinasabi sa Mga Kawikaan 2:9, nang hindi gumagamit ng karahasan, nang hindi pinagmamalupitan ang mga nagkakasala, nang kinikilala at iginagalang pa rin ang mga karapatang pantao.
Sumainyo ang katotohanan.






