1,498 total views
“Fiat voluntas Tua – May Your will be done.”
Ito ang bahagi ng panalangin ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National Director ng Caritas Philippines para kay Pope Emeritus Benedict XVI na nasa malubhang sitwasyon dulot ng kanyang karamdaman.
Ayon kay Bishop Bagaforo, mahalaga ang sama-samang pananalangin ng lahat para sa kaginhawaan ng dating Santo Papa mula sa kanyang karamdaman.
Dahil dito nanawagan ang Obispo sa bawat mananampalataya na makibahagi sa pananalangin ng buong Simbahan Katolika para kay Pope Emeritus Benedict XVI na kasalukuyang nasa malubhang sitwasyon dulot ng kanyang karamdaman.
“Ako’y nananawagan sa lahat ng ating mga kababayan, lahat ng ating mga kasama sa ating pananampalataya na ipagdasal po natin ang ating dating Santo Papa sapagkat siya po ay malubha ang kanyang kalusugan at 95-years old na po siya kaya siguro samahan po ninyo ako sa pagdadasal para kay Pope Emeritus Benedict XVI,” panawagan ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Bahagi rin ng panalangin ng Obispo na kaawaan at bigyan ng kaginhawaan ng Panginoon ang dating pinunong pastol ng Simbahang Katolika.
Panalangin para kay Pope Emeritus Benedict XVI
Amang makapangyarihan, ikaw ang simula at hangganan ng buhay, ikaw ang buhay at ang pag-ibig.
Ipinagdadasal po namin ang inyong lingkod Pope Emeritus Benedict XVI, sa inyo pong mga kamay at kagustuhan ang siyang masusunod para sa kanyang kabutihan at kinabukasan.
Kaawaan po ninyo si Pope Emeritus Benedict XVI na ngayon ay malubha ang kanyang kalusugan.
Fiat voluntas Tua – May Your will be done.
Ito po ay aming hinihingi sa ngalan ng aming Panginoong Hesukristo, aming tagapagligtas na siyang isinilang sa Belen, na siyang nagbigay ng bagong buhay sa lahat ng mga sumasampalataya sa kanya, Siyang makapangyarihan at nabubuhay ng walang hanggan. Amen.
Naihalal si Pope Benedict XVI bilang pinunong pastol ng Simbahang Katolika noong April 19, 2005 kasunod ng pagpanaw ni St. Pope John Paul II.
Makalipas ang halos 8-taong pagsisilbi bilang pinunong pastol ng Simbahan ay nagbitiw sa kanyang tungkulin si Pope Benedict XVI noong February 28, 2013 dahil sa kanyang karamdaman at mahihinang pangangatawan dulot na rin ng kanyang edad.
Sa pagbibitiw ni Pope Benedict XVI ay naihalal naman para mamuno sa Simbahang Katolika si Pope Francis na una ng nanawagan ng panalangin para sa kapakanan ng dating Santo Papa.