327 total views
October 3, 2020-10:17am
Tutol ang OFM Franciscan Province of San Pedro Bautista sa panukala ni Senator Lito Lapid na Senate Bill 1822 na naglalayong palitan ang pangalan ng kasalukuyang Del Monte Avenue sa FPJ Avenue.
Sa open letter ng OFM Franciscan Province of San Pedro Bautista para sa Senador ay ibinahagi ni Fr. Cielo R. Almazan, OFM – Minister Provincial ng Order of Friars Minor, Province of San Pedro Bautista ang posisyon ng kongregasyon sa panukalang batas.
Ayon sa Pari, hindi naangkop na palitan ang pangalan ng Del Monte Avenue kung saan nakakabit ang ilang mahalagang bahagi ng kasaysayan na hindi lamang pangkultura kundi maging sa kasaysayan ng pananampalataya sa lugar.
“We believe that the name of Del Monte Avenue must be preserved due to the tremendous historical, religious and cultural significance attached to this name. There is a great historical value to the name Del Monte Avenue since it refers to the very origins of Quezon City. This name is derived from its full name SAN FRANCISCO DEL MONTE, a secluded place founded on February 17, 1590 by Fray Pedro Bautista, a Franciscan missionary. The place has been referred to as San Francisco del Monte to honor St. Francis. Del Monte was added to its name because it sits on a hilly area and to distinguish it from San Francisco de Manila, then the Franciscan Church in Intramuros.” Ang bahagi ng open letter ng OFM Franciscan Province of San Pedro Bautista.
Binigyang diin rin ni Fr. Almazan na si Governor General De Vera ang nagkaloob ng nasabing 250 hectares na lupain kay Fray Pedro Bautista – na kalaunan ay idineklarang Santo ng Simbahang Katolika taong 1862 na nagsilbing kauna-unahang Christian community sa lugar bago pa naitatag ang Quezon City noong 1939.
Dito itinayo ni San Pedro Bautista ang isang tahanan para sa mga misyunero at ang kauna-unahang Simbahan sa Quezon City.
“It was Governor General De Vera who offered Fray Pedro Bautista (canonized a Saint in 1862) 250 hectares of this area that includes the old section of San Francisco del Monte on both sides of the Dario river. Today, the Minor Basilica of San Pedro Bautista stands in this place founded and made holy by this patron saint who actually lived and served in this place popularly known as San Francisco Del Monte.” Dagdag pa ni Fr. Almazan.
Nilinaw naman ng Pari na hindi maitatanggi ang malaking ambag ni Fernando Poe Jr. (FPJ) sa industriya ng pelikula at entertaintment ngunit maaari namang bigyan ito ng pagkilala at parangal sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang pangalan sa ibang lugar na walang historical o religious significance ang kasalukuyang pangalan.
Ayon kay Fr. Almazan, bagamat matatagpuan ang tanggapan ng FPJ Productions sa Del Monte Avenue ay maraming mga lugar sa syudad ang itinampok ni FPJ sa kanyang mga pelikula na maaring isunod sa kanyang pangalan.
Sa huli, mariing umapela ang kongregasyon na bigyang halaga ang pamana at mga nagawa ni San Pedro Bautista na nakaukit sa kasaysayan ng Del Monte Avenue kung saan matatagpuan din ang Minor Basilica of San Pedro Bautista, ang ikalawang basilica na sa Quezon City at pinakamatandang parokya sa Pilipinas na itinayo noong 1590.