2,101 total views
Naglabas ng pahayag ang Lipa Archdiocesan Ministry on Environment (AMEn) kaugnay sa pagtagas ng langis sa karagatan ng Oriental Mindoro na karatig na lalawigan ng Batangas.
Ito ay ang ‘Panawagan para sa Kaalaman at Kahandaan Hinggil sa Pagtagas ng Langis sa Oriental Mindoro’, na ayon kay AMEn Director Fr. Michael Angelo Flores, OFMCap. ay layuning ipabatid ang masamang epekto at maaaring gawin ng publiko hinggil sa tumagas na langis na nakakaapekto na sa mga likas na yaman, hayop, kabuhayan, at kaligtasan ng mga pamayananang nakatira malapit sa baybayin.
“Ang liham na ito ay isang panawagan sa lahat ng Parokya, mga Kaparian, mga Relihiyoso at Relihiyosa, mga Katolikong Paaralan, mga Laykong Samahan at sa lahat ng Mananampalataya ng Arkidiyosesis ng Lipa, na magkaroon ng sapat na kaalaman ukol dito at maging handa sa ano mang posibleng mangyari sakaling makarating ang “Oil Spill” sa ating mga baybayin,” ayon kay Fr. Flores.
Pebrero 28 nang tumaob sa bahagi ng Naujan, Oriental Mindoro ang MT Princess Empress na naglalaman ng 800-libong litrong ‘industrial fuel’.
Naging sanhi ito ng pagkamatay ng mga ibon at mga isda, kawalan ng hanapbuhay sa halos 18,000 mangingisda, at panganib sa kalusugan ng mga residenteng naninirahan malapit sa baybayin.
Batay din sa pagsusuri ng University of the Philippines-Marine Science Institute, tinatayang 36,000 ektarya ng bahura o coral reefs, bakawan, at seagrass ang maaaring mapinsala dahil sa sakuna.
Panawagan naman ni Fr. Flores ang pagpapaigting sa kampanya upang pangalagaan ang Verde Island Passage na bago pa man mangyari ang oil spill ay matagal nang nanganganib mula sa planong pagtatayo ng fossil fuel powerplants at liquified natural gas terminal.
“Bilang kongkretong tugon sa hamon ng ating Santo Papa Francisco, na pangalagaan ang “Mundong ating Tahanan”, ay ating protektahan ang “Verde Island Passage” na tinaguriang “Center of the Center Marine Shorefish Biodiversity,” ayon sa pahayag.
Naglabas naman ng liham-sirkular si Lipa Archbishop Gilbert Garcera kaugnay sa pahayag ng AMEn, at ipinag-utos sa buong Arkidiyosesis na basahin ito pagkatapos ng panalangin ng pakikinabang sa lahat ng Misa sa Linggo, Marso 12, 2023.
Nagpadala na rin ng tulong ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) sa Apostolic Vicariate of Calapan para sa mga apektado ng oil spill.