1,677 total views
Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) ang planong pagsasama o integration ng voters’ education sa K-12 curriculum.
Sa ikalawang araw ng National Election Summit ay inihayag ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na isa ang planong maagang pagbabahagi ng voters’ education sa mga kabataan sa mga pangunahing layunin at planong isulong ng kasalukuyang pagtitipon.
Ayon kay Garcia, naniniwala ang ahensya na mahalagang maimulat ang mga kabataan mula sa murang edad pa lamang sa kahalagahan at kasagraduhan ng pagboto gayundin ang tamang pagpili ng mga karapat-dapat na lider maging sa loob pa lamang ng silid-aralan.
Pagbabahagi ni Garcia, bukas ang COMELEC sa iba’t ibang mga suhestiyon kung paano higit na magiging epektibo ang integration ng voters’ education sa curriculum ng mga kabataang mag-aaral.
“Ito rin po ang isinusulong sa Summit na ito, ‘yung integration sa ating present curriculum ng voters’ education. Na sana man lang, kahit paano nagsisimula pa lang, kahit sa Kinder… naituturo kaagad sa kanila ‘yung kasamaan ng pagbebenta ng boto, ‘yung tamang pagpili ng isag tunay na leader kahit sa classroom… Sa amin po naman sa En Banc, kami po ay willing, ready and open sa lahat ng suhestiyon.” Ang bahagi ng pahayag ni COMELEC Chairman George Erwin M. Garcia.
Nagsimula ang kauna-unahang National Election Summit ng COMELEC noong ika-8 ng Marso, 2023 na may temang “Pagtutulungan sa Makabagong Halalan” na naglalayong magsilbing daan para sa mas malawak na ugnayan at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan para sa pagsasakatuparan ng mas maayos, malaya, mapayapa, matapat at patas na halalan.